KUNG paniniwalaan si presidential spokesman Salvador Panelo na sa United States (US) papanig si Pres. Rodrigo Roa Duterte sakaling lumala ang tensiyon at sumiklab ang kaguluhan sa Middle East at malagay sa panganib o masaktan ang libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) doon, aba lumilitaw na balik-US ang ating Pangulo.
Maraming manggagawang Pilipino ang nagtatrabaho sa Iran, Iraq, Saudi Arabia, Israel at iba pa. Kung itutuloy ng Iranian Supreme Leader na si Ayattollah Khameini ang bantang “harsh vengeance” laban sa America dahil sa air strike sa Baghdad airport na ikinamatay ni Gen. Qassem Soleimani, commander ng Quds Force, tiyak na maaapektuhan ang mga Pinoy roon.
Higit na kinakaibigan ng ating Pangulo ang China at Russia at medyo lumalayo sa US bilang pagsunod sa kanyang tinatawag na “independent foreign policy.” Hindi kaya hihingi ng ayuda si Mano Digong kina Chinese Pres. Xi Jinping at Russian Pres. Vladimir Putin para sa ating mga kababayan na posibleng maipit sa gulo sa Gitnang Silangan?
Sinabi ni Panelo na pangunahing tungkulin ng gobyerno na bigyan ng proteksiyon ang mga Pilipino kapag nanganganib ang kanilang buhay kahit saan man sila naroroon. Noong nakaraang Lunes, nakipagpulong si PDu30 sa cabinet officials at tinalakay ang contingency measures hinggil sa repatriation o pagbabalik-bansa ng OFWs.
Inatasan na rin ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ihanda ang kanilang air at naval assets sakaling kailanganing ilikas ang libu-libong OFWs mula sa Middle East. Lumikha siya ng isang special working committee na binubuo ng mga Kalihim ng Defense department, DILG, National security adviser, DFA, DOLE, DoTr para gumawa ng mga plano at hakbang para sa OFW evacuation.
oOo
Tinawag ni Vice Pres. Leni Robredo ang anti-illegal drug war ng PRRD administration bilang “dud” o palpak. Binigyan lang niya ng isang porsiyento ang “bloody war” ng Pangulo sa iligal na droga. Sabi ni VPLeni, bigo ang kampanya dahil ang pinagtutuunan ng higit na atensiyon ng gobyerno, PNP, PDEA at iba pang ahensiya, ay ang pag-neutralize sa ordinaryong mga pusher at user. Hindi drug lords, smugglers.
Para kay beautiful Leni, ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang pagsawata sa pinanggagalingan ng bultu-bultong shabu o narcotic supplies sapagkat kung walang suplay, walang maitutulok ang pusher at walang magagamit ang user.
Gumanti agad ang Pangulo sa alegasyon ni Robredo na isang “dud” ang kampanya laban sa illegal drugs. Binira ang Bise Presidente bilang isang “colossal blunder” na wala namang nagagawa sapul nang nahalal na Bise noong 2016.
Nagkibit-balikat lang si Mano Digong sa mga rekomendasyon ni VP Leni hinggil sa paglaban sa iligal na droga. Siya ay naging co-chairperson ng ICAD sa loob ng 18 araw at marami raw siyang nalaman tungkol dito.
Siyanga pala, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), walo sa 10 Pilipino (80%) ang naniniwala na talagang may “ninja cops” sa loob ng PNP. Ginawa ang survey noong Disyembre 13-16, 2019. Ang “ninja cops” ay mga pulis na nagsusubi ng bahagi ng illegal drugs na kanilang nakumpiska, at pagkatapos ay ibinebenta uli ito upang pagkakuwartahan nang malaki. Naku, mahirap ngayong masugpo ang illegal drugs kapag ganito.
-Bert de Guzman