TIWALA ang pamunuan ng Mighty Sports sa pangunguna ng may-ari nito na si Alex Wongchuking at ang coach na si Chares Tiu na mabilis na maibabalik ng naturalized Filipino cager na si Andray Blatche ang kanyang porma bagao pa man umalis ang koponan patungo sa Dubai ngayong Enero 21 para sa Dubai International Basketball Tournament.
Bahagyang nadagdagan ang timbang ni Blatche ngunit alam ni Tiu na mabilis nitong mababawasan ang kanyang timbang sa pagsabak sa training para sa paghahanda ng koponan.
“We know how good a player he is, but he needs to be in excellent form because we will be again facing formidable teams from Lebanon and Middle East,” pahayag ni Tiu.
Puspusan ang paghahanda ng koponan na tumapos ng ikatlong puwesto noong isang taon kung saan hangad nila ngayon na maiuwi ang tropeo buhat sa nasabing kompetisyon.
“With a good mix of young and veteran players in the team we are hoping we can at least finish in the top four,” pahayag ng may-ari na si Wongchuking, na nakakuha ng suporta buhat sa Creative Pacific sa pangunguna ni Bong Cuevas, Go for Gold, Oriental Game,at Gatorade.
Kumpleto na sa training ang buong koponan, maliban sa 7-foot-2 na si Kai Sotto, na kasalukuyang nasa Estados Unidos upang subukin ang kanyang galing na para mapabilang sa ilang NCAA teams sa nasabing bansa.
Gayunman, agad ding susunod si Sotto sa United Arab Emirates upang maglaro para sa Mighty Sports buhat sa Estados Unidos sa darating din na Enero 21.
May dalawang araw si Sotto upang sumabay sa ensayo ng koponan bago pa man magsimula kompetisyon sa Enero 23.
Sasandal din ang Mighty Sports sa mga imports na sina Renaldo Balkman at McKenzie Moore kasama ang ilang kilalang mga collegiate standouts gaya ng pambato ng Ateneo na si Thirdy Ravena at ang pride ng UP na si Juan Gomez De Liano.
Kasama din sa koponan sina Joseph Yeo, Beau Belga, Joaqui Manuel, Gab Banal, Jarell Lim, Dave Ildefonso, Juan Gomez De Liano, Jamie Malonzo, Mikey Williams at Jelan Kendrick.
-Annie Abad