HANDA na para simulan ang puspusang ensayo sa Gilas Pilipinas.
Buo na ang 24-man lineup batay sa opisyal na pahayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para makapaghanda sa first window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa Pebrero.
Inihayag ng SBP ang pagkakasama nina Japeth Aguilar ng Ginebra, Kiefer Ravena at Poy Erram ng NLEX, CJ Perez ng Columbian, Troy Rosario at RR Pogoy ng TNT Katropa at Matthew Wright ng Phoenix sa national training pool.
Kasama rin sina veteran power forward Marc Pingris at sina Christian Standhardinger, Bobby Ray Parks Jr. at Mac Belo.
Nakapagtataka na hindi kasama sa training pool sina five-time PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel at TNT Katropa playmaker Jayson Castro.
Inaasahang ipahahayga din ng SBP ang coach ng koponan sa mga suusnod na raw.
Inihalo ng SBP sa national training pool sina PBA rookie draft picks Isaac Go ng Columbian, Rey Suerte ng Blackwater, Matt Nieto ng NLEX, Allyn Bulanadi ng Alaska at Mike Nieto ng Rain or Shine. Kamakailan ay idinagdag ng SBP sa tropa sina collegiate standouts Thirdy Ravena ng Ateneo Blue Eagles at Jaydee Tungcab ng UP Fighting Maroons.
Kasama rin sa training pool ay sina collegiate star Kobe Paras, Juan at Javi Gomez De Liaño ng UP, Dave Ildefonso ng NU, Dwight Ramos ng Ateneo at Justine Baltazar ng La Salle.
Huhugutin sa naturang 24-man training pool ang Final 12 ng Gilas para sa first window ng 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers na nakatakda sa Pebrero 20. Makakatapa ng Nationals sa Group A ang Thailand sa Pebrero 20 kasunod ang Indonesia sa Pebrero 23.
Ang second window ay sa Nobyembre kung saan makakaharap ng Gilas Pilipinas ang South Korea.