MINNEAPOLIS (AP) — Hataw si Andrew Wiggins sa naiskor na 23 puntos, habang kumana si Gorgui Dieng ng 12 puntos at 10 rebounds para gabayan ang Minnesota Timberwolves kontra Portland Trail Blazers 116-102, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Kumana si Damian Lillard ng 20 puntos at walong assist, habang tumipa sina CJ McCollum and Hassan Whiteside ng tig-15 puntos para sa Blazers.
Patuloy na nagpapagaling si Minnesota big man Karl-Anthony Towns sa natamong ‘left knee sprain’.
CAVS 115, PISTONS 112
Sa Detroit, naisalpak ni Kevin Love ang tiebreaking three-pointer may 37.9 segundo ang nalalabi sa overtime para sandigan ang Cleveland Cavaliers kontra Pinstos.
Naghabol ang Cavaliers mula sa 13 puntos na bentahe sa third period at nagpakatatag para tuldukan ang five-game losing skid.
Nanguna sa Cavs si Tristan Thompson sa naiskor na 35 puntos at 14 rebounds.
Sa iba pang laro, ginapi ng Philadephia, sa pangunguna nina Josh Richardson na may 29 puntos at Ben Simmons na kumana ng 19 puntos, ang Boston Celtics, 109-98.
Samantala, posibleng Team LeBron vs Team Giannis rematch sa All-Star Game.
Naungusan ni LeBron James ng Los Angeles Lakers si Dallas’ star Luka Doncic para sa overall voting lead sa Western Conference para sa All-Star Game sa Feb. 16 sa Chicago.
Nangunguna naman si Milwaukee’s Giannis Antetokounmpo sa Eastern Conference voting.
Batay sa kasunduan, ang mangungunang player sa bawat Conference voting ang tatyong team captains at may karapatabn na pumiloi ng teammates sa drafting session.