“SA isang banda, diniinan ng pangyayari na ang war on drugs ay peke, na ang mga target nito ay ang mga dukhang drug suspects. Sa kabilang dako, ipinakikita uli na ang gobyernong Duterte ay hindi kailanman naging seryoso na lipulin ang ilegal na droga. Pinalalakas lamang ang pananaw na ang drug war at ang kaakibat nitong mga pagpatay ay ginamit lamang para pataasin ang popularidad ni Duterte,” wika ng Human Rights watch na nakabase sa New York sa pamamagitan ng kanyang Philippine researcher na si Carlos Conde, sa pagkatig nito sa ulat ni Vice President Leni Robredo. Aniya, naglalaman ang ulat ng mga mahalagang impormasyon na dapat bigyang pansin ng publiko.
Tama si Conde. Mula’t sapul nang manungkulan si Pangulong Duterte, ito ang linya ng kanyang pamamahala, ang pasikatin ang kanyang sarili. Walang humpay naman ang pagpapango sa kanya ng kanyang troll at kapanalig at paninira sa kanyang mga kalaban. Ang hindi maganda rito ay kinakagat ito ng mamamayan na siyang sanhi ng patuloy na nanatili at tumataas pa ang kanyang approval rating. Kaya ang payo ni Conde ay bigyan ng pansin ang kabilang panig.
Tingnan ninyo ang ginawa ng Pangulo sa Maynilad at Manila Water. Inalok niya ang mga ito ng panibagong kontrata na ginawa ng kanyang tauhan. Nilinis ang mga dating kontrata ng gobyerno sa dalawang ito ng mga probisyon na, ayon sa kanya, ay pabigat sa taumbayan. Isa na rito ay ang nagbabawal sa gobyerno na pakialaman ang pagpepresyo nila ng kanilang serbisyo. Pagsuko, aniya, ito ng ating soberanya. Mabuti nga ito at ginawang probisyon lang ng kontrata. Eh hinggil sa mga kompanya ng langis, bakit walang masabi ang Pangulo. Ginawang batas, ang Oil Deregulation Law, ang pagbabawal sa gobyerno na makialam sa pagpepresyo nila ng kanilang produkto, kaya malaya nilang ginagawa ito kahit nagpapahirap sa taumbayan. Isinabatas ng mga magaling nating lider ang pagsuko na ating soberanya, kung tutunin mo ang pananaw ng Pangulo. Iyon namang mga kontrata na nilagdaan ng Pangulo na nagpautang ang China sa Pilipinas ng bilyun-bilyong piso para masustentuhan ang pagpapagawa nito ng Chico dam at Kaliwa dam projects, higit na grabe ang pagka-onerous ng mga probisyon nito. Kapag hindi tayo nakabayad, iilitin ng China ang patrimonial property ng bansa. Kung sakali mang may hindi mapapagkasunduan ang magkabilang panig hinggil sa mga kontrata, ang arbitration ay gagawin sa Beijing, China at ang palakad ng pagdinig ay sa lengguahe ng Instik.
Itong huli, sinabi ng Pangulo na kapag may mga Pilipinong nasaktan sa sigalot na mangyayari sa pagitan ng Amerika at Iran, papanig siya sa Amerika. Napakatamis pakinggan dahil isinangkalan niya ang kapakanan ng mga Pilipino. Pero, nangangahulugan ito na nakahanda tayong makisama sa digmaan sa sandaling mangyari ito. Binuksan natin ang ating sarili para atakehin ng kalaban ng pinapanigan natin. Sa labanan, ang inuunang pinaparalisa ng nakikidigma ay ang una at malapit sa kanya upang maiwasan na makasakit ito. Pinaulanan na ng Iran ang base militar ng Kano sa Iraq ng missiles. Malapit tayo sa Iran. Bukod dito may malalim na cultural, economic at intelligence ties ang Iranian regime sa buong rehiyong kinalalagyan natin, partikular ang Iraq. Mapanuri sana tayo bago magtiwala at hindi malinlang.
-Ric Valmonte