NAGBABALIK ngayon ang protesta hinggil kaso ng election sa pagka-Bise Presidente sa pagitan nina Robredo-Marcos, ilang buwan matapos ilabas ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang resulta ng kanilang recount sa mga boto sa tatlong probinsiya Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur.
Inaabot ang PET—na binubuo ng lahat ng mga miyembro ng Korte Suprema—ng pitong buwan, mula sa Abril hanggang Oktubre 2019, para bilangin muli ang lahat ng balota sa tatlong probinsiya na pinili ng nagpoprotestang kandidato—si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matapos ang inisyal na gulo hinggil sa pamantayan na dapat sundin sa shading ng oval na nakatapat sa pangalan ng kandidato sa balota, nagdesisyon ang PET na panatilihin ang desisyon ng Commission on Elections na 25 porsiyentong shading, upang maideklarang balido ang boto. Sa pagtatapos ng pitong buwan na bilangan, nangunguna pa rin si Vice President Leni Robredo kontra kay Marcos at higit pang lumaki ang lamang.
Sa Rule 65 ng PET, isinasaad na kung ang inisyal na resulta ng recount ay nagpakita ng walang malaking pag-angat sa boto ng nagpoprotestang kandidato, maaari nang ibasura ng PET ang reklamo. Gayunman, inanunsiyo lamang ng PET noong Oktubre ang resulta ng recount at humingi lamang ng komento mula sa dalawang partido.
Ngayon, hinihiling naman ni Marcos sa PET na “reconsider, review, and reexamine” ang resulta ng naging bilangan sa tatlong probinsiya ng Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur, dahil sa, anila’y, electoral fraud. Hiniling din niya sa PET na muling suriin ang botohan sa panibagong tatlong probinsiya—ang Basilan, Lanao del Sur, at Maguindanao – ipawalang bisa ang resulta at humingi ng bagong halalan.
Sa naging pagdinig ng PET sa kaso, sinabi ni noo’y Chief Justice Lucas Bersamin na nagiging maingat ang PET “because the credibility of our processes as well the political system here is at stake.” Kaya naman nang isumite ni Justice Benjamin Caguioa, miyembro ng PET na may hawak sa kaso, ang ulat hinggil sa resulta ng recount noong Setyembre 9, pinili ng PET na hindi muna maglabas ng desisyon at humingi lamang ng komento.
Ngayon kailangan nilang magdesisyon kung—ibabasura na ang protesta base sa Rule 65 o magpapatuloy sa bagong petisyon ni Marcos para imbestigahan ang botohan sa panibagong tatlong probinsiya. Inabot ng pitong buwan ang PET para muling bilangin ang mga balota sa Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur. Maaaring abutin na naman ito ng katulad na panahon bago matapos ang recount sa balota sa Basilan, Lanao del Sur, at Maguindanao.
Nauunawaan natin ang naging hakbang ng PET na maging maingat sa kasong ito upang mapanatili ang kredibilidad ng proseso sa harap ng politikal na implikasyon nito. Gayunman, umaasa rin tayo na mailalabas na ang desisyon at maging pamantayan na ito para sa mga susunod pang protesta.