SASARGO ang kauna-unahang Joy Belmonte Inter - Barangay Amateur 10-Ball Open Billiard Tournament sa Quezon City sa Pebrero 3-9 sa layuning makatuklas ng bagong henerasyon ng cue masters sa bansa.
Inaasahang magpapakitang-gilas ang mga kinatawan mula sa 142 barangay sa anim na distrito ng lungsod sa maaksiyong sagupaan na inorganisa ni Isaac Belmonte, chairman ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP).
Bukod sa P100,000 cash prize at trophy para sa mananaig na cue artist, tatanggap din ng complete set ng billiard table at bola ang kinatawan nitong barangay bilang suporta sa kanilang sports program.
Pangungunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang opisyal na simula ng torneo, kung saan tatanggap din ng P50,000 cash at trophy ang 2nd placer; P25,000 cash at trophy sa 3rd placer; P25,000 cash sa 4th placer; at consolation prizes sa top 32 na bilyarista.
Mula sa 142 manlalaro, simultaneous double elimination ang gaganapin sa bawat distrito ng lungsod hanggang sa umabot naman sa 64 na manlalaro.
Isasalang sa knockout game ang lahat ng lulusot sa unang yugto ng elimanasyon papasok sa kampeonato.