“NOONG siya ay nagbanta na ilalabas niya itong ulat, ipinahiwatig niya na may nadiskubre siyang anomalya na animo’y bombang sasabog. Mintis pala. Wala naman siyang sinabing bago. Paano mong masasabi na ang drug war ay bigo?
Hindi lubos na nalipol dahil may mga drogang pumapasok, pero mahahadlangan namin ito. Kaya nga napakahigpit ng Pangulo,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo bilang reaksiyon sa ulat na inilabas ni Vice President Leni Robredo nitong Lunes. Ngayon lang niya ginawa ito pagkatapos niyang mangako sa taumbayan na mag-uulat siya sa kanila hinggil sa kanyang mga natuklasan sa loob ng 18 araw na pagkapanatili niya bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs. Hinirang ni Pangulong Duterte si VP Leni sa posisyong ito pagkatapos na siya ay mapikon sa batikos nito na hindi nagtatagumpay ang kanyang war on drugs para sibakin lang niya ito pagkatapos ng 18 araw. Kasi, hiningi na ni VP Leni ang listahan ng mga high value target ng war on drugs na, aniya, ay kailangan niya upang epektibo niyang magampanan ang kanyang tungkulin.
Totoo na hindi na bago ang iniulat ni VP Leni na bigo ang war on drugs ng administrasyon. Kahit sabihin pa ni Sen. Ping Lacson na hindi pa pwedeng sabihin na bigo, kundi hindi lang nagtatagumpay pa dahil patuloy naman ang paglaban sa ilegal na droga. Kasi, mula’t sapul iisa ang direksyon nito. Tama si VP Leni nang sabihin niya: “Halos lahat ng pondo ay inilaan sa paghahabol sa mga maliliit na nagbebenta ng droga at gumagamit nito. Kahit ba gawin ito araw-araw pero hindi naman kinokontrol ang supply at mga bigtime supplier, hindi matatapos ang problema.” Sa gitna ng kainitin ng pagpapairal ng war on drugs at ang walang awang mga pagpapatay, sukat ba namang nakalusot ang P6.4 bilyon halaga ng shabu sa Bureau of Customs na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela. Hindi nagatagal, P11 bilyon naman ng shabu na nasa apat na magnetic lifter ang nakalusot din sa mismong pantalan. Hindi tulad ng naunang ipinuslit na inabutan ng operatiba, ang ikalawa na dinala sa warehouse sa GMA, Cavite ay naitakas na. Tanging mga magnetic lifter na walang laman ang naiwan.
Batay sa naging laman ng mga magnetic lifter at sa ikinilos ng sniffing dog, pinanindigan ni PDEADirector General Aaron Aquino i na pinaglagyan ang mga ito ng shabu. Sinalungat niya si Pangulong Duterte na nagsabi na dahil walang laman ang mga magnetic lifter, walang basehan para sabihing shabu ang naging laman ng mga ito. Hindi pwede, aniya, ang haka-haka dito. Nag-unahan ang Senado at Kongreso sa pag-imbestiga sa mga pangyayaring ito, pero maliwanag ang takipan. Nilimitahan lamang nila ang kanilang imbestigasyon sa responsibilidad ng mga mababang opisyal ng gobyerno at hindi ikinalat upang alamin ang taong nasa likod ng ilegal na importasyon. Ang mga commissioner ng BoC na sa kanilang panahon ay naipuslit ang bilyun-bilyong halaga ng shabu ay inilipat lang sa ibang puwesto. Sa gaanong kaagang uri ng implementasyon ng war on drugs, kahit marami na ang napatay, malayong magtagumpay ang programang ito. Ang pinakamasama, parami nang parami ang napapatay, parami rin nang parami ang kumakalat na droga sa bansa. Na siyang kinukumpirma ng ulat ni VP Robredo.
-Ric Valmonte