MAHIGPIT na binabantayan ngayon ng gobyerno ang mga presyo sa pamilihan sa bansa. Isiniwalat ng Philippine Statistics Authority nitong Martes na umangat ang inflation sa 1.3 porsiyento noong Nobyembre, 2019, at sa 2.5 porsiyento nitong Disyembre. Gayunman, sinabi ng Malacañang na ang pagtaas ay pasok pa rin sa target range na 2 hanggang 4 na porsiyento at hindi dapat na ikabahala.
Magugunita na ang malaking pagtaas sa mga presyo noong 2018 ay nagsimula sa Enero, nagpatuloy sa mga sumunod na buwan, at umabot sa mataas na 6.7 porsiyento pagsapit ng Setyembre, bago ito nagsimulang bumaba sa harap ng emergency measures na isinagawa ng gobyerno kailang na ang Rice Tariffication Law.
Ang pagtaas ng mga presyo – o ang inflation – noong 2018 ay isinisi ng pamahalaan sa tatlong pangunahing dahilan — (1) pagtaas ng presyo ng langis sa mundo na nagpataas din sa presyo ng transportayon sa kuryente; (2) pagbaba ng halaga ng piso dahil sa kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang pamilihan at malakas na US dollar; at (3) ang malakas na domestic demand na ginamit ng producers at traders para maipasa ang mataas na bayarin sa consumers.
Hindi isinama ng gobyerno ang iba pang dahilan, kabilang na ang malaking papel sa pagtaas ng mga presyo noong 2018 -– ang pagpataw ng P2.50 taripa sa imported diesel na wala dati, sa ilalim ng bagong pinagtibay na Tax Reform and Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Walang problema sa presyo nitong nakaraang taon, 2019. Ngunit ngayon, sa pagsisimula ng 2020, nariyan ang mga pangamba tungkol sa drone attack ng United States na pumatay sa isang Iranian top general na bumibisita sa Baghdad, Iraq. Ang insidente ay nagbabantang sumabog higit pa sa mga hangganan ng Gitnang Silangan, habang nakita ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad ang Bagdad killing na higit pa US-Iran affair na makakaapekto sa lahat ng mga Muslim.
“The time is right for Muslim countries to come together,” aniya, isang panawagan na maaaring magtulak sa mga militanteng Muslim sa Mindanao na muling kumilos.
Ngunit ang mas posibleng epekto ng bagong iringan ng US at Iran ay ang karahasan sa rehiyon ng Gitnang Silangan, na pinakamalaking pinagmumulan ng supply ng langis ng bansa. Kapag lumala pa ang karahasan, maaaring masasaksihan natin ang pagsirit ng presyo ng krudo sa mundo na higit kaysa noong 2018.
Nariyan din ang factor ng lokal na taripa sa diesel. Ang TRAIN law ay nagpataw ng bagong taripa na P2.50 bawat kilo noong 2018. Ang ikalawang bahagi na P2 ay ipinatupad noong 2019 ngunit hindi nagkaroon ng anumang epekto sa mga presyo sa merkado. Ngayong taon, 2020, ang huling bahagi na P1.50 ay kapatutupad pa lamang. Kailangan nating mahigpit na bantayan ang ikatlong taripa kung hindi ay magdudulot ito ng pagtaas sa presyo ng diesel.
Ngunit ang presyo ng crude oil sa mundo ang pinakamalaking dahilan sa anumang pagtaas ng mga lokal na presyo. Umaasa kami na ang problema ng US-Iran ay hindi sasabog at maging isang malaking digmaan sa Gitnang Silangan. Ngunit sakaling magkaganito man at sumirit ang presyo ng krudo sa mundo, kailangang maging handa ang pamahalaan na limitahan ang anumang lokal na pagtaas sa presyo. At dapat itong maging handa sa emergency aid programs para sa pinakamahihirap sa ating bansa.