MATAPOS ang kanilang naging tagumpay noong nakaraang taon, gusto pang pag-ibayuhin at ipagpatuloy ng Gilas Pilipinas ang kanilang women’s program.
Kaugnay nito, nakatakdang magdaos ng open tryout para sa Gilas women 3x3 at 5-on-5 teams sa susunod na linggo ang Samahang Basketbol ng Pilipinas sa pangunguna ni Gilas Pilipinas women program director at head coach na si Pat Aquino.
Ganap na 7:00 ng umaga magsisimula ang tryout sa Sabado- Enero 11 sa National University gym sa Manila.
Ang tryout ay bukas para sa mga kabataang babaeng basketbolista na may edad 16- anyos pataas.
Ayon kay Aquino, bahagi ito ng national team long-term plan.
Kasunod nito, magsasagawa din sila ng open try-out sa Cebu City sa Enero 25 gayundin sa Iriga City na iaanunsiyo na lamang sa mga susunod na araw ang petsa.
Ayon pa kay Aquino, magdaraos din sila ng 3x3 tournaments para sa tatlong age categories na under- 18, under-19 at under-23 upang makapag develop ng players para sa nasabing event.
-Marivic Awitan