HULI man daw at magaling, maihahabol din.

Akma sa mga empleyado ng Philippine Sports Commission (PSC) ang matandang kasabihan sa pagtanggap ng kanilang P25,000 Christmas bonus.

Ayon kay PSC chairman William “Butch” Ramirez, maaantala lamang ng bahagya ang nabanggit na bonus,ngunit maibibigay ito sa lalong madaling panahon.

“Medyo kinapos tayo dahil nga sa SEA Games, pero talagang may plano na mabigyan natin ‘yung mga athletes na hindi nanalo ng medal and of course ‘yung mga employees natin,” pahayag ni Ramirez.

Mikee Cojuangco-Jaworski, chair ng Coordination Commission ng Brisbane 2032

Hindi na nagsagawa ng taunang ‘Christmas Party’ ang mga empleyado ng PSC.

“We at the PSC are happy that we won the overall championship and also sad because we had to call off our Christmas party. We also wanted to give our employees P25,000 but we couldn’t, so it was really a sad Christmas for everyone,” aniya.

Nauna rito, napilitan ang PSC na ilabas ang nalalabing P400 milyon budget para ayudahan ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC).

Dahil dito, kinailangan din ng PSC na iurong muna sa Marso ang ASEAN Para Games, na dapat sana ay nakatakda ngayong Enero.

“Because of national interest, we helped Phisgoc by pulling out our last P400 million budget for 2019. That’s the reason we advised Para Games to move to March,” paliwanag ng PSC chief.

Gayunman, tiwala pa rin si Ramirez na makakabawi ang PSC sa mga empleyado nito at sa mga atletang hindi nabiyayaan nitong bago magpasko, gayung sisikapin ng ahensiya na makapagbigay ng kaunting regalo sa kanilang darating na anibersaryo, ngayong Enero 24.

“We’ll see baka naman kahit paano may maibigay tayo ngayong anniversary,” ani Ramirez.

Hindi naman apektado ang mga atletang nagwagi ng medalya sa nakaraang biennial meet, dahil bukod sa kanilang nakuhang insentibo buhat sa gobyerno ay nagbigay din ng insentibo ang MVP Foundation at ang Philippine Olympic Committee (POC).

-Annie Abad