MAGULO ngayon sa Middle East dahil sa pagkakapatay ng US sa kilalang Iranian General na si Qassem Soleimani, puno ng Quds Force o Elite Guard ng Iran, sa paliparan ng Baghdad, Iraq noong Biyernes. Kasamang napatay sa US air strike si Iraqi militia leader Abu Mahadi al-Muhandis at iba pa.
Nagbanta ang Iranian government ng “harsh vengeance” laban sa United States. Nagbanta rin ang mga kaalyado ng Iran laban sa US.
Sa puntong ito, nagbanta rin si US Pres. Donald Trump na kapag itinuloy ng Iran ang paghihiganti at pag-atake laban sa mga Amerikano, may 52 lugar silang tatargetin sa Iran at mararanasan ng bansa ni Iran Supreme Leader Ayattollah Ali Khamenei ang bilis at bagsik ng US strike na hindi pa nito nararanasan.
Bunsod ng kaguluhan at tensiyon sa Gitnang Silangan sa pagitan ng United States at Iran, inutos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na kumilos at maghanda sa posibleng paglikas ng mga Pilipino roon.
Nakipagpulong ang Pangulo sa matataas na opisyal ng AFP at Philippine National Police (PNP) upang talakayin ang mga hakbang na dapat isagawa kapag nagpatuloy ang gulo at tensiyon sa Iran at Iraq. Sa Iran ay may 1,600 Pinoy samantalang sa Iraq ay may 6,000 Pilipino.
Sinabi ni Defense spokesperson Arsenio Andolong na inatasan ni PRRD ang AFP na maghanda ng air at naval assets para sa paglilikas ng mga Pinoy na nasa dalawang bansa lalo na kapag nagpatuloy at tumindi pa ang kaguluhan doon.
Nakapili na si PDu30 ng hepe ng AFP sa katauhan ni Lt. Gen. Felimon Santos Jr. Gayunman, hanggang ngayon (habang sinusulat ko ito), wala pa siyang napipisil na Hepe ng Philippine National Police kapalit ni ex-Gen. Oscar Albayalde.
Sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na lubhang maingat ngayon ang Pangulo sa paghirang ng PNP new chief dahil “nasunog” siya sa pagkakahirang kay Gen. Albayalde na inirekomenda ni ex-PNP Chief at ngayon ay Sen. Bato Dela Rosa. Nasangkot si Albayalde sa “ninja cops” noong siya pa ang PNP provincial director ng Pampanga. Itinanggi niya ito.
Ayon kay DILG spokesman Jonathan Malaya, ang tatlong kandidato sa pagka-hepe ng PNP ay kuwalipikadong lahat. Sila ay sina PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Archie Gamboa, deputy chief for operations Lt. Gen. Camilo Cascolan at chief directorial staff Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
“Nagsagawa kami ng background investigation. Hindi magkakamali ang Pangulo kung pipili siya sa listahan,” ayon kay Malaya. Aniya, ang tatlo ay nagtataglay ng karanasan at integridad.
Umaasa ang mga mamamayan na hindi magkakamali ang ating Pangulo sa pagpili sa AFP chief at sa bagong Hepe ng PNP alang-alang sa kabutihan, kagalingan at kaayusan ng bansa at ng may 105 milyong Pinoy ngayong 2020.
-Bert de Guzman