DAKONG 5:30 ng umaga ngayong araw, matapos ang isang misa sa Quirino Grandstand sa Luneta, sa Maynila, magsisimula ang prusisyon ng Itim na Nazareno pabalik sa dambana nito sa Minor Basilica of the Black Nazarene –Quiapo Church.
Ito ang taunang prusisyon na nakilala sa mundo para sa nag-uumapaw na manipestasyon na pananampalataya ng mga Pilipino. Isa itong pagsasabuhay sa pagsasalin ng imahe—ang traslacion—mula sa orihinal nitong dambana sa Intramuros patungo sa basilica sa Quiapo noong 1787. Inihahatid ng daang libong mga deboto ang Itim na Nazareno habang mabagal na bumabalik sa simbahan.
Maraming Pilipinong Katoliko ang naniniwala sa milagrong hatid ng Itim na Nazareno at ang kaunting haplos o paghawak sa imahe ay pinaniniwalaang makagagaling sa mga karamdaman. Kaya namang libu-libong tao ang naghahangad na mahawakan sa prusisyon habang hinahatak ito ng mga tao sa ruta mula Luneta, pagtawid ng Ilog Pasig—gamit ang Ayala Bridge ngayong taon, patungo sa mga kalye sa distrito ng Quiapo hanggang sa makabalik sa tahanan nitong simbahan.
May kasaysayan ang Itim na Nazareno mula noon pang ika-16 na siglo sa Mexico, kung saan umano ito ginawa ng isang ‘di pinangalanang Mexican sculptor mula sa dark mesquite na kahoy. Tumawid ito ng Pasipiko sakay ng galleon at inilagak sa sa Simbahan ng San Juan Bautista ng Augustinian Recollects sa Bagumbayan, Luneta, saka inilipat sa Simbahan ng San Nicolas de Tolentino sa Intramuros. Noong Enero January 9, 1787, iprinisinta ng mga Augustinians ang isang kopya ng imahe sa Simbahan ng Quiapo. Dito nagsimula ang pagdiriwang tuwing ika-9 ng Enero kasama ng prusisyon—ang tinatawag na Traslacion –mula Intramuros, na kalaunan ay inilipat sa Rizal Park, patungo sa Quiapo.
Ang debosyon sa Itim na Nazareno ay maiuugnay sa maraming Pilipino na kumikilala sa paghihirap ni Kristo tulad ng imahe nito na pasan ang mabigat na krus. Mayroon ding paniniwala na ang paghawak sa imahe ay magreresulta ng milagrong lunas para iba’t ibang sakit.
Ngayong buwan din ng Enero, ipagdiriwang ang pista ng Santo Niño sa buong Pilipinas—kabilang ang Bacolod, Bustos, Cebu, Kalibo, Malolos, Tacloban -- kasama ng Sto. Niño rites sa Tondo, Maynila, na isa sa pinakamalking fluvial procession at street dancing, pista ng masayang selebrasyon. Kaya naman nagsisimula ang bagong taon ng Maynila sa dalawang debosyon—ang sa Itim na Nazareno at ang sa Santo Niño. Kapwa nagpapatunay sa matinding pananampalataya ng mga Pilipino, na nagbibigay-pugay din sa iba’t ibang mga santo at syudad sa bansa, na bawat isa ay may sariling selebrasyon ng kapistahan.
Ngayong araw, tututok at makikiisa ang bansa sa prusisyon ng Itim na Nazareno, kasama ng libu-libong mga nakapaang deboto, suot ang kulay maroon at dilaw na damit na tulad ng Itim na Nazareno. Gugugol ang prusisyon ngayong araw ng mahabang oras, kabilang ang panandaliang pagtigil sa Plaza del Carmen, sa tabi ng Basilica Menor de San Sebastian, na kumakatawan sa Ikaapat na Istasyon ng Krus, kung saan nakatagpo ni Kristo ang kanyang ina, ang Birheng Maria, habang pasan ang krus patungo sa Golgotha.
May ibang mga pagkakataon at panahon para ipagdiwang ang iba pang pista sa bansa, ngunit ngayon, tututok ang lahat sa prusisyon ng pananampalataya bilang pagkilala sa pagdurusa ng Itim na Nazareno, pasan ang kanyang krus patungo sa Kalbaryo, kung saan siya namatay upang iligtas ang Sanlibutan, ang sentro ng Kristiyanong pananampalataya.