BAGONG taon na. Hangad ko para sa aking mga mambabasa ang mapayapa at masaganang 2020. Para sa ating bansa, umaasa akong patuloy na uunlad ang ekonomiya at mapananatili ang mga napagtagumpayan na sa nakalipas na mga taon. Isa ito sa mga pagkakataon mas maganda ang “boring” kaysa sa “excitement.” Maaring boring ang pananatili ngunit benepisyal ito para sa atin. Unti-unti tayong umangat patungo sa tagumpay nang walang matitinding balakit at maganda ito para sa ating bansa.
Nagbibigay daan din ang bagong taon para sa isang tradisyon na matagal na nating ginagawa—ang New Year’s resolutions. Ang kinaugaliang paggawa ng New Year’s resolution ay libu-libong taon na mula nang nag-umpisa. Ayon sa mga historyador, ang sinaunang Babylonian ang unang mga tao na gumawa ng New Year’s resolutions. Gumagawa sila ng pangako sa mga diyos na magbabayad ng kanilang mga utang at pagbabalik sa anumang bagay na hiniram nila.
Ngayon, higit na komplikado ang New Year’s resolutions. Ilan ang nangangako na magbabawas na ng timbang. Habang hangad naman ng ilan ang makabuo ng bagong pagkakaibigan o sumubok ng bagong adventure sa kanilang buhay. Habang ilan ang nangangako na mas magiging masipag upang kumita ng mas maraming pera. O mag-impok ng salapi at hindi na magiging gastador. May ilan ding kakaiba ang nais tulad ng pagpili ng pagkain at subukan ito sa iba’t ibang lugar sa bansa o isang beses sa isang buwan ay ilibre ang sarili. Iba-ibang hangad para sa magkakaibang tao.
Ngunit para sa akin, anuman ang inyong resolutions, mananatiling sangkap tungo sa tagumpay nito ang dalawang bagay: sipag at tiyaga. Maganda ang paggawa ng resolutions dahil nagbibigay ito sa iyo ng isang tunguhin o hangarin na nais mong makamtan. Ngunit maaari rin itong maging negatibo kapag ang tangi mo lamang namang ginagawa ay ang maglista ng resolution sa unang araw ng taon at kalimutan lamang ito sa mga susunod pang araw.
Kailangan ng disiplina upang mapagtagumpayan ang mga bagay lalo na kung nangangailangan ito ng pagbabago sa isang nakaugalian na. Kailangan ng pagpaplano at pagbuo ng malakas na etika upang makamit ang isang hangarin. Sipag ang susi rito dahil hindi masosolusyonan ng resolutions ang sarili nito. Kailangan mo itong pagsikapan.
Halimbawa, hangad ko na mas maraming Pilipino ang pumasok sa pagnenegosyo. Nais kong mas maraming Pilipino ang magsabi ng, “in 2020, I’ll start a small business enterprise.” Ngunit ang pagiging isang negosyante ay hindi madali. Kailangan nito ng matinding sipag. Madalas kung hindi mangangailangan ito ng pagtutok sa negosyo ng 24 oras kada araw.
Ang pag-abot sa iyong hangarin ay mangangailangan din ng tiyaga. May tsansa na mabigo ka sa una, pangalawa, o pangatlo sa iyong pagsabak dito. Kung susuko ka agad, baka kakailanganin mo na naman na gumawa ng bagong listahan ng resolution sa susunod na taon. Kaya naman kailangan mo nang matinding pagtutok sa mga hangarin mong binuo. Bawat matagumpay na tao ay nakaranas ng pagkabigo sa isang punto ng kanilang buhay. Ngunit patuloy na nagpursigi ang pinaka matatagumpay. Hindi nila hinayaang may humadlang sa kanilang daan. Dagdag pa, may kakayahan din silang gawing aral sa buhay ang kanilang mga naranasang pagkabigo at bumuo ng tagumpay sa bawat pagkakamali na kanilang nararanasan.
Para sa mga gumawa ng New Year’s resolutions, hangad ko na samahan niyo ito ng tiyak na sipag at tiyaga. Ang pagkamit sa isang hangarin ay mabuti para sa iyo. Magpapataas ito ng iyong kumpiyansa upang mas marami pa ang makamit mo. Tandaan, ang mga taong iniidolo mo na nagkamit ng maraming bagay ay malamang na nagsimula rin sa isang maliit na hangarin na kanyang napagtagumpayan.
Para naman sa mga hindi naniniwala sa New Year’s resolutions, nawa’y magsumikap pa rin kayo upang maging mas mabuting tao para sa inyong pamilya, kapitbahay at bilang isang mabuting mamamayan ng ating bansa. Sa huli, gumagawa tayo ng resolutions hindi lamang upang mapaunlad ang ating sarili ngunit para rin sa pag-unlad ng ating mundo. Maligayang bagong taon sa lahat!
-Manny Villar