PAGKARAAN ng halos isang dekada, nagbabalik sa paggabay ng isang Pumaren ang koponan De La Salle University.
Pormal ng inanunsiyo ng unibersidad sa kanilang social media account kahapon ang pagbabalik bilang coach ng Green Archers ni coach Derrick Pumaren.
“The University welcomes back coach Derrick to the Lasallian community as he maps out the new direction of the Green Archers,” pahayag ng pamunuan ng DLSU.
Huling napailalim ang De La Salle men’s basketball team sa paggabay ng isang Pumaren noong 2011 nang maupong coach nila ang nakababatang kapatid ni Derrick na si Dindo na isa ring dating Archer.
Nauna rito, naging mentor ng Green Archers si coach Derrick at nabigyan nya ang koponan ng back-to-back championships sa UAAP noong 1989 at 1990 bago nya ito iniwan noong 1992 para mag- coach sa koponan ng Pepsi sa PBA.
Bumalik sya sa UAAP noong 2014 bilang coach ng University of the East bago sya lumipat sa Centro Escolar University at nagsilbing coach at head of basketball for operations doon hanggang noong nakaraang Disyembre.
Makakasama nya bilang bahagi ng kanyang coaching staff ang mga kapwa La Salle alumnus na sina Gabby Velasco, Richard del Rosario, Mon Jose at dating interim coach Gian Nazario kasama ang dating team consultant na si Jermaine Byrd.
-Marivic Awitan