NARARANASAN ngayon ang malamig na winter sa northern hemisphere at matinding summer sa southern hemisphere. Maaari itong paliwanag sa nagaganap na bushfires na ilang araw nang nananalasa sa southeastern Australia, nasa 6,000 kilometro timogsilangan ng Pilipinas.
Nasa 24 na katao na ang napaulat na namatay sa sunog na sumisira sa higit 5.9 milyong ektarya at nasa 1,300 tahanan sa anim na estado, na karamihan ay nasa New South Wales, ang most populous na estado ng bansa. Sa pagkukumpara, sumira ang nangyaring forest fire sa California ng 404,680 ektarya noong nakaraang taon.
Habang sumalubong sa Bagong Taon ang tradisyunal na fireworks sa Sydney Harbor, daang libong mga bahay ang nilalamon ng apoy sa katimugan. Sinalubong naman si Prime Minister Scott Morrison, na napanood sa TV na nanonood ng fireworks, nang galit na mga residente nang bisitahin nito ang bayan ng Cobargo sa New South Wales nang sumunod na araw.
Sa pagitan ng Pilipinas at Australia, isang kalamidad din ang tumama sa Indonesia. Umakyat na sa 30 ang bilang ng mga namatay sa Jakarta at mga kalapit na lugar isang araw matapos ng Bagong Taon, habang libu-libong tao ang nawalan ng tirahan dulot ng baha at mga landslides. Inaasahang sa kalagitnaan pa ng Pebrero matatapos ang malalakas na pag-ulan sa bansa. Inanunsiyo na rin ni President Joko Widodo ang planong paglipat ng kabisera ng Indonesia mula Jakarta, dahil lumulubog na ito, patungong East Kalimantan province sa isla ng Borneo.
Nararanasan ang mga sunog sa Australia dahil sa matinding init, ngunit ang baha sa kalapit na bansa natin sa Indonesia ay dulot naman ng malakas na pag-ulan. Maaari nating mapagtanto na ang kakaiba at matinding kondisyong ito ng panahon ay maiuugnay sa climate change na matagal nang ipinaaalala sa atin ng mga siyentista.
Patuloy na tumataas ang temperatura ng daigdig sa mga nakalipas na taon, dahil sa pagtaas ng carbon dioxide at iba pang factory emissions sa iba’t ibang industrial economy ng mundo. Natutunaw na rin ang mga polar ice, na nagpapataas sa lebel ng karagatan, habang nagiging mas malalakas at mapaminsala ang mga bagyo at hurricane na namumuo.
Noong 2015, 195 na bansa sa mundo ang nakiisa sa isang global climate pact sa pangangako ng bawat bansa na gagawa ng sariling aksiyon upang mabawasan ang greenhouse emissions, at makapag-ambag sa hangarin na malimitahan ang pagtaas ng global na temperatura sa below 2 degrees Celsius mas mataas sa pre-industrial level.
Sa kasamaang-palad, ang United States, na siyang pinakamalaking naglalabas ng carbon emissions, ay kumalas sa kasunduaan sa pagsasabi ni Presidente Trump na isa lamang “hoax” ang climate change.
Ang iba pang malaking pinagmumulan ng carbon emissions sa mundo ngayon ay ang mga bansa ng China, Russia, Germany, United Kingdom, Japan, India, France, Canada, at Poland. Na bawat isa ay nangako sa kasunduan na nabuo sa Paris conference ng United Nations Framework Convention on Climate Change.
Ang Pilipinas at iba pang mga bansa sa mundo ay maituturing na minor contributors ng carbon emissions, ngunit tumitindig tayo sa ating pangako na nakasaad sa Philippine Statement na isinumite sa UN ni dating Secretary Ramon Paje ng Department of Environment and Natural Resources, na nangangako na isusulong ang mga programa at estratehiya ng pamahalaan para sa pagpapaunlad ng renewable energy at green growth.
Dapat nating ipagpatuloy ang ating pangako at umasa na kikilalanin din ng iba pang mga bansa ang kanilang bahagi sa pagsisikap na malimitahan ang climate change, na pinaniniwalaang nasa likod ng tumataas na bilang ng matitinding pagbabago sa ating panahon tulad ng nangyayaring bushfires sa Australia at baha sa Indonesia.