MAY 12 koponan ang nagpahayag ng kanilang intensiyon na lumahok sa darating na 2020 PBA D-League Aspirants’ Cup na magsisimula sa Pebrero 13.

Kabilang na dito ang nagbabalik na University of the Philippines na pinangungunahan nina Kobe Paras, Ricci Rivero at Bright Akhuetie. Huling naglaro ang Maroons sa developmental league noong 2016.

Lalahok naman sa unang pagkakataon ang Eco Oil-DLSU Manila gayundin ang mga school-based teams na Mapua at DLSU Dasmarinas, at club teams Paranaque City at Debantan Sports.

Nariyan din ang mga beteraning koponan na Centro Escolar University at Marinerong Pilipino na naghahangad na makabawi mula sa runner-up finish nila noong nakaraang taon.

Dalawang Pinoy mountaineers, sumakses sa tuktok ng Mt. Everest

Nagbabalik naman para sa first conference ang Ironcon-University of Santo Tomas, Far Eastern University, Diliman College, at AMA Online Education.

Maaari pa ring lumahok ang mga interesadong koponan. Ang deadline sa pagbabayad para sa partisipasyon ay itinakda hanggang Enero 15.

Samantala, ang 2020 PBA D-League Draft ay gaganapin naman sa Enero 20 sa PBA Office sa Libis,Quezon City.

-Marivic Awitan