DAHIL sa isang aksiyon—ang utos na pagpatay sa isang top Iranian general-- pinasimulan ni United States President Donald Trump ang mga kaganapang may matinding epekto sa buong mundo.
Ipinag-utos ni Trump ang pagpasalang kay Qasem Soleimani, pinuno ng Quds foreign operations ng Iran’s Islamic Revolutionary Guard Corps, na noo’y nasa isang Iraqi convoy sa international airport ng Baghdad, Iraq. Patay rin sa nasabing insidente si Abu Mahdi al-Muhandis, deputy chief ng lraq’s paramilitary force Hashed al-Shaabi, na may malakas na ugnayan sa Iran. Ayon mismo sa Pentagon, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng US drones.
Sa Kongreso ng Amerika, sinabi ni Speaker Nancy Pelosi na isinagawa ang pag-atake ng walang konsultasyon sa Kongreso. Sa ilalim ng US Constitution, kailangang munang aprubahan ng Kongreso ang anumang deklarasyon ng digmaan ng puwersang US. Bumuto na ang US House of Representatives para mapatalsik si Trump dahil sa umano’y sa pag-abuso nito sa kapangyarihan, sa pagkikipagkasundo nito sa Ukraine at pagbalewala sa Kongreso, bagamat inaasahan naman siyang mapapawalang-sala sa Senado na kontrolado naman ng kanyang partidong Republican.
Pinaniniwalang ang tunay na laban ni Trump ay ang nakatakdang national election sa Nobyembre, kung saan siya naghahangad na muling maluklok sa puwesto. At marahil nakasisigurado siya na susuportahan ng mga botante ang kanilang pangulo sa isang digmaan kontra Iran bilang resulta ng pagpaslang.
Sa mundo bilang kabuuan, ang pagpatay ng Amerika sa top commander ng Iran ay napagsiklab lamang ng malawakang takot at pagbuhay sa komplikasyon sa maraming aspekto. Nangako si Iran’s Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei na magsasagawa ng “severe revenge” para sa nangyaring pagpaslang. Ang takot para sa lumalagong digmaan na ito ay pinangangambahan din ng Russia, China, France, at iba pang nasyon na umapela ng pagkontrol sa sarili mula sa magkabilang panig.
Isa pang pangamba ang lumutang nitong weekend—na ang pagpaslang at paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan, ay makaaapekto sa pagluluwas ng langis mula sa rehiyon, na magreresulta sa pagtaas ng pandaigdigang presyo nito. Kahit wala ang bagong karahasan sa ugnayan ng US at Iran, maaaring bumagsak ang suplay ng langis ng mundo mula sa pangunahin nitong pinagkukunan, ang Gitnang Silangan. Na tiyak na makaaapekto sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas.