GINAPI ni Filipino Grandmaster Darwin Laylo si Nicholas Goi ng Singapore sa final round para sa three-way tie sa championship ng January edition ng Asean Chess Academy (ACA) Rapid Chess Tournament nitong Linggo sa Bukit Timah Shopping Centre sa Singapore.
Nakamit ni Laylo ang anim na puntos mula sa limang panalo at dalawang draw sa pitong laro para mapantayan ang kampanya nina Fide Master Robert Suelo at Arena Grandmaster Almario Marlon Bernardino Jr. sa 15-minute time control rapid event. Nakamit ni Laylo ang titulo tangan ang highest tiebreak points.
Nagtabla sina Laylo at Suelo sa Round 3, gayundin kay Bernardino sa Round 5, habang nakihati ng puntos si Bernardino kay Suelo sa Round 4.
Nakamit ng tatlo ang cash prizes at trophies sa kanilang efforts sa awarding ceremonies na pinangunahan nina Woman International Master (WIM) Jan Jodilyn Fronda and Franz Grafil.
Samantala, tumapos na runner-up si Novelty Chess Club Board of Director Dandel Fernandez ng Pilipinas sa 8th Abu Dhabi Classic Chess Tournament-FIDE rated na ginanap sa Abu Dhabi Chess and Culture Club sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.