KABUUANG 900 runners ang magkakasubukan sa MILO Marathon National Finals sa Enero 19 sa Tarlac City.
Inaabangan ang muling paghaharap nina MILO Queen Mary Joy Tabal at 30th Southeast Asian Games Women’s Marathon gold medallist Christine Hallasgo, gayundin ang mga beterano na sina Jerald Zabala, Anthony Nerza at Richard Salano sa men’s class.
Naging usap-usapan angkatatapos na SEA Games nang gapiin ni Hallasgo, itinututing dehado, ang dating kampeon na si Tabal, na naghanda para sa biennial meet sa pagsasanay sa abroad.
Ngunit, nagtala ng kasaysayan si Hallasgo, huling hirit nanaisama sa National team matapos magwagi sa Metro Manila 42.195-kilometer qualifier noong Hulyo 28.
Hawak ni Tabal ang pinakamabilis na oras sa 21-km sa nakaraang serye ng karera na 1:23:22 noong nagwagi siya sa huling karera sa Cagayan de Oro noong Nob. 17. Sampung karera ang ginanap sa lahat ng sulok ng Pilipinas upang matukoy ang mga lalahok sa National Finals.
Inupo si Zabala bilang MILO King matapos ang hindi inaasahang pagpanaw ni Rafael Poliquit noong Abril. Kampeon si Zabala sa Lucena noong Setyembre 15 habang panalo si Nerza sa Metro Manila kasabay ni Hallasgo.
Naitala ni Salano ang pinakamabilis na oras noong nakaraang taon na 1:11:49 sa Metro Manila 21-kilometer qualifier. Tumakbo si Salano sa SEA Games sa 10,000 metro.
Maliban sa mga nabanggit na pangalan, ilan pang napipisil na lalaban para sa korona ay sina Arlan Arbois ng Davao at Prince Joey Lee ng Cebu na segundo lang ang pagitan sa oras ni Salano at mga dating MILO King na si Jeorge Andrade at Jeson Agravante. Sa panig ng kababaihan, nariyan si Christabel Martes na apat na beses na naging MILO Queen at sina Luisa Raterta, Ruffa Sorongon, Lizanne Abella at Janice Nerza na maybahay ni Anthony.
Lalarga ang karera sa Barangay Hall ng Poblacion sa kahabaan ng F. Tanedo Street at tutuloy sa Romulo Boulevard hanggang iikot sa Barangay Hall ng Mababanaba. Daraan muli sa Romulo bago magwakas sa tapat ng Tarlac City Hall.
Sa mga nagnanais na makiisa sa torneo, bukas pa ang mga events sa 21-km, 10-km, 5-km at 3 kilometrong karera. Magtungo lamang at makipag0ugnayan kay Konsehal Vladimir S. Rodriguez sa City Hall o bumisita sa www.milo.com.ph.