“SA kasalukuyan, walang malinaw na plano para makuha ang ABS-CBN, kaya iyong ulat ay espekulasyon lang. Nais naming linawin na ang ISM Communications Corp. ay walang nilagdaan o pinasok na kasunduan hinggil sa pagkuha ng ABS-CBN,” wika ni ISM sa stock exchange filing nitong nakaraang Biyernes. Ang ISM Corp. ay binubuo ngayon bilang telco at media holding company ng negosyanteng si Dennis Uy na nakabase sa Davao.
Siya ay kilalang kaibigan at campaign donor ni Pangulong Duterte. Sa tinuran ni Uy, maaaring sa ngayon ay hindi pa nangyayari ang kanyang pagkaha o pagbili ng ABS-CBN. Pero, napakalakas ng kanyang sinasandigan para sa layuning ito na walang iba kundi ang Pangulo. Ginagamit mismo nito ang kanyang kapangyarihan para puwersahin ang ABS-CBN na bumigay na. Paulit-ulit na publikong sinabi ni Pangulong Duterte na kahadlangan niya ang muling pagbibigay ng prangkisa para sa telebisyon at radyo ng ABS-CBN. Sa kanyang talumpati sa M’lang, Cotabato, nang dumalaw siya sa mga biktima ng lindol, muli niyang binatikos ang pamilya Lopez na may-ari ng ABS-CBN at sinabi niya sa mga ito na ibenta na lang ninyo ito. Kaya, nagpupustahan ang mga stock market speculators na matutuloy ang kasunduan sa pagitan ng ISM at ABS-CBN, bagamat wala pang publikong senyales mula sa pamilya Lopez hinggil sa kanyang intensiyon na ibenta ito.
May batayan ang stock speculators na matutuloy ang bentahan ng ABS-CBN sa pagitan ng pamilya Lopez at ISM ni Dennies Uy. Eh madikit na kaalyado ni Pangulong Duterte si Uy. Noong magsimula ang presidential elections, todo tanggi si Duterte na tatakbo siyang pangulo. May mga nangyayari pang drama gaya nang pagpapakalbo ng kanyang anak na si Mayor Sarah Duterte para patunayan na kandidato ang kanyang ama dahil maraming nagdududa noon na ito ay tatakbo. Kasi, bukod sa hindi ito sumipot noong huling araw ng pagsusumite ng certificate of candidacy, iba ang naghain nito. Noong huling araw na lang ng substitution ng mga kandidato, bago siya sumulpot. Ganitong istilo ang ginawa ni Christopher “Bong” Go. Panay ang tanggi na siya ay kandidato para sa pagkasenador kahit malayo pa ang halalan ay nakakalat na ang kanyang mga streamer na maghahayag na siya ay kandidato.
Maaaring ang panggigipit sa pamilya Lopez ay lihim na ginawa muna dito hanggang sa ito ay bumigay. Kung anong klase ang panggigipit na ito, sila lang ang nakakaalam. Napakababaw ang dahilan ng Pangulo para hadlangan niya ang prangkisa ng ABS-CBN. Sapat na ba iyong hindi inere nito ang kanyang propaganda kahit bayad na siya? Garapal na nengatibo siya. Samantala, inoorganisa na bilang telephone company at media holding company ang ISM. Kaya, iyong ingay ng Pangulo laban sa ABS-CBN, ay paglalatag ng mga dahilan para, kahit paano, ay hindi gaanong masama sa panlasa sa publiko ang pagkuha sa ABS-CBN.
-Ric Valmonte