TAPOS na ang Pasko. Tapos na ang Bagong Taon. Balik sa normal na buhay ang mga Pilipino na ilang araw ring nagdiwang sa dalawang mahahalagang okasyong ito sa Pilipinas. Sana, maging mabuti at positibo ang taong 2020 sa ating lahat, at tulad ng paningin, magkaroon tayo ng 20-20 vision sa lahat ng gagawin para sa kabutihan hindi lang ng sarili kundi maging ng kapwa-tao.
May bagong pinuno na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa katauhan ni Lt. Gen. Felimon Santos, Eastern Command Chief, na papalit kay AFP chief of staff Gen. Noel Clement na naging 56-anyos na nitong Enero, ang mandatory retirement para sa sundalo at pulis.
Si Santos ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sinagtala” Class of 1986. Bago siya naging puno ng Eastern Command, siya ang hepe ng Army’s 7th Infantry Division. Bagamat humirang na si Pres. Rodrigo Roa Duterte ng bagong hepe ng AFP, hanggang ngayon ay hindi pa siya nakapipili ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) kapalit ni ex-PNP chief Gen. Oscar Albayalde.
oOo
Hindi naman pala kasama ang mga Fil-Am (Filipino-Americans) sa plano ng gobyernong Duterte sa visa requirement na ipatutupad kapag itinuloy ng US government ang pagbabawal sa pagpasok sa US territory ng mga opisyal ng pamahalaan na nasa likod umano ng “wrongful detention” ni Sen. Leila de Lima.
Sa ngayon, dalawang US senators ang inutos ni Mano Digong na harangin ng Bureau of Immigration (BI), sina Sen. Dick Durbin at Sen. Patrick Leahy. Bawal silang pumasok sa ‘Pinas dahil sila ang awtor ng probisyon o amendment sa 2020 US budget na nagbabawal na makapasok sa PH ang govt officials na responsable sa “maling pagkukulong” sa senadora
Isa pang US senator, si Sen. Edward Markey ng Massachusetts, na sumuporta sa probisyon ay pinagbabawalan ding makapasok sa bansa. Sinabi ni Sen. Durbin na isang “insulto” sa Fil-Ams community at sa demokrasya ang planong hingan ng visa ang US citizens at mga Fil-Am. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, ang pahayag ni Durbin ay “misplaced.”
Ganito ang pahayag ni Spox Panelo: “Filipinos residing or sojourning in America, or our balikbayans, are not covered by our ultimatum should the US govt pursue banning the entry of Filipino officials acting in accordance with the PH law apropos Sen. De Lima’s case.”
oOo
Naging viral ang insidente na kinasangkutan ni Pope Francis at ng babaing mananampalataya sa St. Peter’s Square noong nakaraang Martes matapos hatakin ng babae ang kamay ng Papa upang mapalapit sa kanya, halatang nagalit si Lolo Kiko sa ginawang paghatak at pagkabig sa kanya ng ‘di-kilalang babae.
Naglalakad ang Santo Papa sa square ng Vatican City at binabati ang mga pilgrim h a b a n g patungo sa m a l a k i n g Nativity scene, hinawakan niya ang isang bata, at paalis na siya nang biglang hatakin ang kanyang kamay ng babae para kabigin palapit sa kanya. Mukhang nasaktan ang Papa sa ginawang paghatak ng babae at agad siyang kumawala.
Ito ang katotohanan: Si Pope Francis ay isa lang tao. Nasasaktan at nagagalit kapag mali ang ginawa sa kanya. Hindi siya Anghel o Banal na titiisin ang lahat. Hindi ba mismong si Kristo ay minsang nagalit, pinaghahagupit ang mga kolektor ng buwis at pinagtataob ang mga lamesa na kinalalagyan ng mga paninda ng mga pasaway sa loob ng templo?
-Bert de Guzman