PHOENIX (AP) — Nagsalansan si Jonas Valanciunas ng 30 puntos para pangunahan ang Memphis Grizzlies sa 121-114 panalo kontra Phoenix Suns nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Nag-ambag si Dillon Brooks ng 19 puntos para sa ikalawang panalo ng Memphis sa loob ng dalawang araw.
Nadomina ng Grizzlies ang second half at umabante sa 96- 77 sa kaagahan ng final period at nagpakatatag sa gitna ng paghahabol ng Suns sa krusyal na sandali. Nakadikit ang Suns sa 101-109 may apat na minuto ang nalalabi. Naapula ni Brooks ang ratsada ng Phoenix sa naisalpak na magkasunod na three-pointer.
Nanguna sa Suns si Devin Booker sa naiskor na 40 puntos, sapat para maitala ang bagong franchise record para sa magkasunod na laro na nakaiskor ng 30 o higit pang puntos. Kasosyo niya dati sina Charles Barkley at Charlie Scott.
Humirit din si Kelly Oubre sa natipang 17 puntos at 10 rebounds at kumana si Deandre Ayton ng 14 puntos at 12 rebounds.
WOLVES 118, CAVS 103
Sa Cleveland, nabitiwan ng Minnesota Timberwolves ang 25 puntos na bentahe, ngunit nagawang makabawi sa krusyal na sandali para maitakas ang panalo laban sa Cavaliers.
Kumamada si Gorgui Dieng ng 22 puntos, habang tumipa si Shabazz Napier ng 21 puntos para sa Timberwolves.
Pinagpahinga ng Cleveland ang ‘rebeldeng’ si Kevin Love, habang nasideline sa injury sa tuhod si rookie Kevin Porter Jr.
Naghabol ang Cavs sa 90-65 may apat na minuto ang nalalabi sa third period. Subalit, rumatsada ang Cleveland sa final period sa naitayong 32-6 run, sa pangunguna ni Dante Exum, para maagaw ang bentahe sa 97-96.
Nakabawi naman ang Timberwolves sa 14-0 run, tampok ang dalawang three-pointer ni Dieng para maisalba ang Minnesota.
Nagbalik aksiyon si Andrew Wiggins mula sa apat na larong pahinga bunsod ng trangkaso at nag-ambag ng 15 puntos.
Naitala ni Exum, nakuha mula sa trade sa Utah, ang career-high 28 puntos.
HEAT 122, BLAZERS 111
Sa Miami, mas naglagablab ang Heat, sa pangunguna nina Goran Dragic na kumamada ng 29 puntos at 13 assists at Bam Adebayo na may 20 puntos, laban sa Portland Trail Blazers.
Napantayan ni Dragic ang career best na pitong three-pointers, habang nag-ambag si Derrick Jones Jr. ng 19 puntos.
Nanguna si Damian Lillard sa Portland sa naiskor na 34 puntos at 12 assists, habang tumapos si dating Heat center Hassan Whiteside, binalahura ng fans sa kabuuan ng laro, na may 21 puntos at 18 rebounds.
Napaganda ng Heat ang NBA’s best home record sa 17-1 – dalawang panalo ang kakulangan para mapantayan ang 41 total games sa nakalipas na season. Naitala rin nila ang 10-0 marka mula sa kabiguan.
CLIPPERS 135, KNICKS 132
Sa Los Angeles, tatlong Clippers -- Montrezl Harrell, Paul George at Lou Williams – ang kumana ng 30 plus points para gabayan ang Los Angeles laban sa New York Knicks.
Umiskor sina Harrel at George ng tig-34 puntos, habang kumana si Williams ng 32 puntos para sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa na may tatlong players na nakaiskor ng 30 plus points.
Nanguna si Marcus Morris sa New York na may 38 puntos.