ILANG lang araw bago pormal na magsimula ang kompetisyon sa NCAA indoor volleyball, sinibak ng reigning men’s champion University of Perpetual ang kanilang ace player na si Joebert Almodiel.

Sinibak ng Altas ang reigning league back-to-back MVP dahil umano sa hindi magandang asal.

Ayon sa isang insider,matindi ang ginawa nitong paglabag sa house rules na pinaiiral sa Athletes Dorm ng unibersidad kung kaya inalis na ito upang wag pamarisan ng iba pang mga atleta.

Ngunit, may kumakalat ding mga balita na gustong lumipat ni Almodiel at may kumontak na dito upang maglaro para sa University of the Philippines sa UAAP.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

Hindi naman ito kinumpirma o itinanggi ng pamunuan ng Perpetual at wala ring kumpirmasyon mula kay Almodiel dahil hindi ito mahagilap ng manunulat na ito kahapon para magkomento.

Magsisimula na sa Sabado ang NCAA Season 95 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan kung saan target ng Altas ang 3 -peat at ika-12 pangkalahatang men’s title.

Base sa kanilang opisyal na social media account, wala ang pangalan ni Almodiel sa roster ng Altas men’s volleyball team.

Sa pagkawala ni Almodiel, inaasahang mag-i-step-up upang mapunan ang kanyang nabakanteng posisyon ang mga naiwan nyang kakampi na sina Louie Ramirez , Awie Abdulla, Ronniel Rosales, Jeric Atentar, EJ Casana, JC Enarciso at Ridzuan Muhali.

Nariyan din at inaasahang magdi deliver para sa team ni coach Sammy Acaylar ang kanilang pambatong rookie na si last year’s high school MVP Hero Austria.

-Marivic Awitan