SA ikatlong pagkakataon, magsasangga ang landas ng Meralco Bolts at Barangay Ginebra. At hindi maikakaila ang pananabik ng basketball fans sa hidwaan nang dalawang may pinakamatikas na import para sa PBA Governors Cup.

Kapwa may malalim na ‘fan base’ ang magkabilang tropa kung kaya’t asahan ang pagdagundong sa hiyawan ng Araneta Coliseum sa pagsalang ng Game One ng best-of-seven Finals ngayon ganap na 7:00 ng gabi.

Ngunit, hindi lamang mga fans ang nananabik sa pagbubukas ng series kundi maging ang mismong mga protagonists partikular ang Bolts na may misyong makabawi sa naunang dalawang kabiguan nila sa kamay ng Kings nang magkaharap sila noong 2016 at 2017 PBA Governors Cup Finals.

“We all feel like we have some unfinished business. We’ve already had two rounds with Ginebra and we’ve lost both,” pahayag ni Meralco coach Norman Black.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“We’re looking forward to this (2019 PBA Governors Cup Finals) because we wanna change things around and come out the victors this time. That’s gonna be our focus now,” aniya.

Naniniwala din ang magkabilang panig na mabibigyan nila ng isang magandang series ang PBA fans na posibleng sumagad hanggang Game 7.

Ngayon lamang ulit sasabak sa finals ang Kings para sa Season 44 habang naghahangad ang Bolts ng una nilang titulo mula ng lumahok sa liga.

“Our goal is to win a championship. We have a lot of respect for Ginebra and Tim Cone. Tim is a top coach in the league, but our goal is to win. Simple as that,” sambit ni Black.

“It doesn’t matter who we’re playing against. Our goal is to win a championship. We’ve already lost two. We only have one goal.”

Isa sa aabangan muli sa ikatlong tapatan ng Bolts at ng Kings ay ang kani-kanilang mga imports na sina Allen Durham at Justin Brownlee.

Gayundin, aantabayanan ang mga pinag-uusapang magiging malaking kaibahan sa naunang dalawang duwelo ng Meralco at Ginebra sa finals na posible umanong magkaroon ng malaking papel sa magiging resulta ng salpukan ngayong taon.

Ito’y ang mga nadagdag na mga players sa magkabilang koponan na sina Allein Masliksi, Bong Quinto at Raymund Almaxan para sa Meralco at sina Jared Dillinger at Stanley Pringle naman para sa Ginebra.

-Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7:00 n.g. -- Meralco vs Ginebra