NAKATAKDANG lagdaan ni Pangulong Duterte ang 2020 General Appropriations Bill ngayong araw, Enero 6. Ito ang ikaanim na araw ng taon, ngunit pinili ng Pangulo na ipagpaliban ang kanyang paglagda sa panukala upang magkaroon siya ng dagdag na panahon para masilip ang ilang mga probisyon sa budget.
Nitong nakaraang taon, maaalala natin, na naantala ang pambansang budget para sa 2019 ng tatlong buwan at naaprubahan lamang ng Kongreso noong Abril 2019, dahil sa hindi magkasundo ang mga senador at mga kongresista sa ilang tiyak na probisyon na lumalabas na “pork barrel,” na isiningit ng mga lider sa kongreso. Ang hidwaang ito ay natapos lamang nang sumang-ayon si Senate President Vicente Sotto III na isumite na ang budget sa Malacañang, kasama ang mga kuwestiyonableng probinsyon.
Sumulat na lamang siya sa Pangulo na kalakip ng isusumiteng panukala ng Senado sa Malacañang ang mga pinagtatalunang probisyon, upang hindi na higit pang maantala ang pag-apruba at implementasyon nito. Ngunit sinabi niya sa Pangulo na laman pa rin nito ang P75 billion sa pork barrel.Nagdesisyon naman ang Pangulo na i-veto na lamang ang nasabing halaga.
Para ngayong taon, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na naglalaman pa rin panukalang budget ng P83 billion sa lump sums na walang tiyak na proyektong paggagamitan, na nakapailalim sa ilang ahensiya ng pamahalaan, na karamihan ay sa Department of Public Works and Highways. Maaaring pork barrel ang mga ito, ngunit ipinauubaya na, aniya, ng Senado sa Pangulo at sa kanyang mga malapit na economic advisers sa Malacañang ang desisyon kung lulusot ito mave-veto, tulad ng ginawa niya noong nakaraang taon.
Sa kabilang banda, siniguro naman ni Davao City Rep. Isidro Ungab, pinuno ng House Committee on Appropriations, na ang House budget bill ay hindi naglalaman ng anumang pork barrel at wala ring parked funds.
Ang mahalaga, ay hindi natin mararanasan ngayong taon ang tatlong buwang pagkaantala sa budget na nangyari noong nakaraang taon. Ang pagkabalahaw na ito ay napaantala rin sa implementasyon ng maraming proyekto ng pamahalaan at nagreresulta sa pagbaba ng Gross National Product ng bansa.
Hindi natin dapat maranasan ang problemang ito ngayong taon. Ang anim na araw na pagkaantala sa paglagda ng 2020 budget ay magkakaroon lamang ng maliit na epekto o wala. Higit na mahalaga, ang desisyon ni Pangulong Duterte sa ilang probisyong kinuwestiyon ni Senador Lacson, na dinepensahan naman ni Congressman Ungab. Kumpiyansa tayo na gagawin ng Pangulo ang tamang desisyon.