LIMANG kaibigan naming hindi taga showbiz ang nanood ng Write About Love at iisa ang tanong sa amin, ‘bakit laging green ang damit ni Joem (Bascon). Ano ‘yun?’ Kahapon, ilang katoto at bloggers ang nagtanong din sa amin, same question at idinagdag lang, ‘bakit laging naka-yellow si Yeng (Constantino), sino stylist nila? ‘Di ba present time naman ang kuwento ng Write About Love, hindi naman noong unang panahon? Bakit ang baduy? Ang sakit sa mata.’
Unang-una po, wala kaming kinalaman sa pelikula at ni isang mediacon ay hindi kami naimbitahan kaya wala kaming ideya. Pero dahil curious din kami at kung ano ang significance ng mga nabanggit na kulay ng damit ay nagtanong kami sa taga-production.
“’Yan ang gustong look nu’ng PD (production design) at nu’ng Stylist, inokeyan naman ng direktor. Hindi ko rin alam bakit ganu’n ang look. Mukhang binili sa Tutuban na walang taste,” ito ang diretsong sabi sa amin.
Nabanggit ding plano yatang ipalabas ito noong Oktubre pero hindi natuloy dahil naisip din ng TBA producers na baka nga mag 1stday, last day ito. Mabuti na lang at ngayong 2019 Metro Manila Film Festival ito isinama, maski paano ay humakot ng awards at higit sa lahat, palabas pa rin hanggang ngayon sa mga piling sinehan.
Diretso rin naming sasabihin na mukhang hindi pa rin nakabawi ang TBA producers sa puhunan nila dahil sobrang hina talaga ng Write About Love, mabuti pa ang Mindanao na mahigit sa 100 theaters na ito ipinalalabas kumpara noong hindi pa ito nanalo ng 11 awards mula sa 45th MMFF Gabi ng Parangal.
Nabanggit din na noong nag-ikot sa mga eskuwelahan ang cast ng Write About Love ay 90% ang attendance ng mga estudyanteng dumalo pero nu’ng ipalabas na ito sa sinehan ay hindi naman sinuportahan, dahil kaya mas gusto na lang nilang manood sa Netflix at iWant?
Tulad ng nasulat namin dito, sobrang mahal ng bayad sa sine ngayon, sana ibaba ito ng theater owners na ipinalalabas din sa sarili nilang mall. Kasi kung hindi sila magbaba, sila rin ang magsa-suffer, baka pagdating ng araw wala nang manonood at aabangan na lang ito sa online?
Anyway, tinanong din kami kung bakit mas pinaborang manalong Best Supporting Actress si Yeng kaysa kay Meryll Soriano ng Culion.
Napanood namin pareho ang pelikula at ito rin ang tanong namin sa aming sarili, pero sa kabilang banda, inisip namin na baka sadyang ipinanalo si Yeng dahil para ma-encourage na umarte ulit sa harap ng kamera bukod sa pagiging mang-aawit niya at nakitaan nila ng potential.
At saka hindi biro ang magsuot ng kakaibang kulay ng wig at kakaibang kulay din ng mga damit huh? Sabi nga sa amin, ‘mukhang sa Tutuban binili na walang taste’ ang ipinasuot kay Yeng ng stylist.
Nabanggit din sa amin na ang stylist daw ng Write About Love ay siya ring stylist ng pelikulang Darna ni Jane de Leon. E, di maganda, makulay at nakakasilaw ang mga damit ng buong cast, mala-Wonder Woman.
Going back to Write About Love, may ilang araw pa bago mapanood ito bago magpalit ng pelikula sa Miyerkules, Enero 8.
-REGGEE BONOAN