NAGING tatlo na ang US senators na pinagbabawalang makapasok sa Pilipinas. Ang pangatlo ay si Massachusetts Sen. Edward Markey (Democrat). Una rito, inutos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na harangin ng Bureau of Immigration (BI) sa pagpasok sa bansa sina Democratic US Sens. Dick Durbin at Patrick Leahy dahil sa inihain nilang probisyon sa 2020 US budget na hindi papasukin sa US ang mga opisyal ng PH government na nasa likod ng umano’y “wrongful detention” ni Sen. Leila de Lima.

Dahil sa pagsuporta ni Markey sa travel ban ng ilang pinuno ng Duterte administration, siya ngayon ay ginantihan at pinagbawalan ding makapasok sa ‘Pinas. Tanong: “Ang mga senador bang ito ay interesado namang pumunta sa Pilipinas, gaya ng pagka-interesado ng mga opisyal ng gobyernong Pilipino na magtungo sa Estados Unidos para dalawin ang mga kamag-anak at tingnan ang kanilang mga deposito at assets sa bansa ni Uncle Sam”.

Sinabi ni presidential adviser Salvador Panelo na si Markey ay hindi na rin papayagang makapasok sa Pilipinas dahil nga sa pagsuporta sa travel restrictions laban sa detensiyon ni Sen. De Lima sanhi ng kasong illegal drug trade. Hindi naniniwala ang US senators sa bintang laban sa senadora. Manapa, nais nilang palayain si De Lima o kaya ay bigyan ng patas at makatarungang paglilitis.

Noong nakaraang buwan, nilagdaan ni US Pres. Donald Trump ang 2020 US budget na naglalaman ng probisyon o amendment na nag-aawtorisa kay US State Sec. Mike Pompeo na pagbawalan ang mga indibiduwal na nasa likod umano ng gawa-gawang bintang/kaso laban sa senadorang kritiko ni PRRD.

Si Markey ay isa sa limang US senators na nag-file ng resolusyon na palayain si De Lima na mula pa noong 2017 ay nakapiit na sa bintang na tumanggap siya ng pera mula sa mga drug lord at pinayagan ang illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) noong siya ang DOJ Secretary. Itinanggi ito ng senadora at sinabing siya ay ipinakulong dahil kritiko siya ng madugong drug war ni PDu30.

Kasama ni Markey bilang mga awtor ng resolusyon sina Durbin, Sen. Marco Rubio ng Florida, Marsha Blackburn ng Tennessee at Christopher Coons ng Delaware. Tinawag nila si De Lima bilang “prisoner of conscience” na ipinakulong dahil sa “political views and legitimate exercise of her freedom of expression.”

Para naman sa Malacañang, ang resolusyon ay maituturing na isang “unwelcome intrusion to the country’s domestic legal processess and an outrageous interference with our nation’s sovereignty.” Naninidigan ang Palasyo na tama at naaayon sa batas ang pagpapakulong kay De Lima. Pagbabawalan din kayang makapasok sa ‘Pinas sina Rubio, Blackburn at Coons?

oOo

Naniniwala ang Department of Justice (DOJ) na hindi nagbabanta ang Pangulo sa hudikatura kaugnay ng isyu sa konstruksiyon ng Kaliwa Dam at Wawa Dam. Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, duda siyang nagbanta si Mano Digong nang sabihin niya sa mga hukuman na huwag mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) hinggil sa pagpapagawa ng dalawang water dam.

Nilinaw ni Guevarra na hindi pagbabanta ang pahayag ng Pangulo kundi pagpapakita lang ng kanyang “usual tough guy self” nang paalalahanan niya ang mga korte na iwasang mag-isyu ng TRO na aantala sa kontruksiyon ng P20-billion Wawa Dam sa Rizal. Alam daw ng Presidente na ang hudikatura ay isang malayang sangay ng pamahalaan.

oOo

Hinihimok ni Vice Pres. Leni Robredo ang mga Pilipino na manatiling may pag-asa at makatulong sa nangangailangan. Dapat maging mapagpasalamat ang mga Pinoy ngayong 2020 upang gumanda ang buhay at maginhawa sa kabila ng maraming hamon at kahirapan.

Sapul noong 2016, ang Tanggapan ng Bise Presidente na nagsusulong sa anti-poverty program na Angat Buhay, ay nakatulong sa may 224,000 pamilya na nasa malalayong lugar o laylayan ng lipunan. Maliit lang ang pondo o budget ng Office of the Vice President (OVP), pero sinisikap nitong makatulong sa mga mamamayan.

-Bert de Guzman