TULOY na ang pagbabalik ni Arwind Santos sa kampo ng San Miguel Beer?

Ayon sa opisyal na direktang may kinalaman sa isyu, binigyan ng abiso ng SMB management si Santos upang sumama sa ‘training camp’ ng Beermen bilang paghahanda sa ika-45 season ng PBA.

Matatandaang pinatawan ng ‘indefinite suspension’ si Santos, kasama sina Ronald Tubid at Kelly Nabong nang pagtulungan nila ang nakapikunang Beermen import na si Dez Wells sa ensayo ng koponan sa paghahanda sa quarterfinals ng 2019 Governors Cup.

Dahil sa nasabing insidente, nagalsa-balutan si Wells at ang pagkakasuspinde ng tatlo ay nakaapekto sa kampnya ng Beermen na maitala ang kanilang second grand slam.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bagama’t wala pang pormal na pahayag buhat sa pamunuan ng San Miguel, naglabasan naman ang mga balita mula sa mga taong malapit kay Santos na balik ensayo na ang beteranong forward kasama ng Beermen sa pagsisimula ng kanilang paghahanda sa ikatlong linggo ng bagong taon.

Sa panahon ng kanilang suspensiyon, hindi tumanggap ng suweldo sina Santos, Tubid at Nabong.

Hindi naman kinakailangan ng pahintulot ng PBA ang pagbabalik ng sinuman sa tatlo sa paglalaro at ensayo dahil ang mismong management naman nila ang nagpataw sa kanila ng suspensiyon.

-Marivic Awitan