BAGO simulan ang kanilang ika-apat na taon, magdaraos ang Premier Volleyball League ng isang pre-season tournament na lalahukan ng tatlong dayuhang koponan na inimbita ng liga sa darating na Abril.

Makakatunggali ng mga nasabing dayuhang koponan ang mga pangunahing PVL squads na pinangungunahan ng Creamline kasama ang PetroGazz at BanKo Perlas.

Ayon sa pamunuan ng liga, nag-imbita sila ng mga koponan mula Vietnam, Chinese-Taipei at Australia upang lumahok sa torneo.

Nakikipag-usap na rin ang pamunuan ng PVL kung saan idaraos ang torneo sa mga pinagpipiliang nilang mga venues na kinabibilangan ng Filoil Flying V Center sa San Juan at ang mga government-owned facilities na ginamit noong nakaraang Southeast Asian Games na Ninoy Aquino Stadium o Rizal Memorial Coliseum sa Manila at PhilSports Arena sa Pasig City.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Kasunod ng pre-season tournament ang tatlong conferences para sa 4th season ng liga na binubuo ng Reinforced Conference na sisimulan sa ikatlong linggo ng Mayo, Open Conference at Collegiate Conference na sabay na gaganapin sa kalagitnaan ng Hunyo.

-Marivic Awitan