TATLONG malalaking China-Philippines projects ang pinasimulan na sa huling mga buwan ng 2019—ang pagsisimula ng Reed Bank joint gas and oil development sa kanluran ng Palawan, ibinigay na rin ni Pangulong Duterte ang direktiba para sa pagpapasimula P12.2-bilyong Kaliwa Dam project sa Rizal at Quezon, at ang roll-off ng P175-billion 650-kilometer South Rail Long Haul project sa Bicol.
Ang mga proyektong ito ay pinondohan ng mga grants at loans mula sa China. May kabuuang $398 milyon ang grants na ito noong 2019, kung saan inaasahan pa ang madaragdag na $400 million hanggang sa pagsapit ng 2022. Bukod pa ang mga ito sa $500 milyon soft loans na napagkasunduan noong 2020 at ang mga nakaplano pa sa mga susunod na taon.
Malaki ang iniangat ng ugnayang pangkalakalan ng dalawang bansa nitong 2019. Naging pangunahing katuwang ng Pilipinas ang China sa kalakalan nitong nakaraang taon na may $49.8 bilyon para sa unang tatlong bahagi ng taon, habang inaasahan na lalampas pa ito sa $50-billion threshold sa pagtatapos ng taon. Tumaas din ang Philippines’ world banana exports, partikular, ang pagtaas sa $495 milyon, kung saan China rin ang pangunahing umaangkat.
Ang pagtaas na ito sa ugnayang pangkalakalan ay tinapatan din ng pagtaas sa pamumuhunan. Mahigit 40 malalaking major Chinese enterprises ang nagpasyang mamuhunan sa Pilipinas, na makatutulong sa pagkakaroon ng trabaho ng 26,000 Pilipino. Bukod dito, sa turismo, naitala sa bansa ang halos 1.5 milyong bisitang Chinese nitong 2019.
Ngayong 2020, nakatakdang ipagdiwang ng dalawang bansa ang ika-45 na taon ng pagkakatatag ng diplomatikong ugnayan. Balak din ng China na buksan ang ekonomiya nito ngayong taon, na makatutulong sa global growth, lalo na ngayon na narating na nito ang unang bahagi ng pakikipagkasundo sa United States, isang hakbang para sa pagwawakas ng 20-buwan trade war.
Bukod sa Reed Bank, Kaliwa Dam, at South Rail, mayroon pang mga bagong proyekto na nasa ilalim ng “Package 2”na magsisimula na rin, kabilang dito ang Mindanao Railway, ang Davao Expressway, at ang Iloilo-Guimaras-Negros bridge. This may Maaaring ito na ang pinakamalaking taon ng ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at China.