SA wakas hindi na pinalawig ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao matapos itong dalawin ng sunod-sunod na malalakas na lindol at bagyo na naglagay sa kaawaawang kalagayan ang mga mamamayan dito.
Idineklara ng Pangulo ang martial law noong Mayo 23, 2017 dahil kinubkob ng mga terorista ang Marawi City. Tatlong beses na pinalawig ito ng Kongreso at nagwakas nitong huling araw ng Disyembre. Ayon kay Brig. Gen. Alfred S. Corpus, police regional director, mula Mayo 1 hanggang Nobyembre 12, 2016, ang naging pangkalahatang crime rate sa rehiyon ay 40. 41 bawat 100,000 ng populasyon. Bumaba ito ng 36.64 noong 2017, 30.06 noong 2018 at 20.74 nitong Nobyembre 2019. Ayon kay Army Brig. Gen. Bagnus Gaerlan, acting commander ng 1st Infantry Division, naging madali sa kanila ang magsagawa ng law enforcement operations, kabilang ang pagtulong sa mga pulis sa paghahabol sa mga nagnenegosyo ng droga. Ayon din kay Gaerlan, sa Lanao del Sur, nakakumpiska sila ng 5,000 mga armas mula nang pairalin ang martial law noong 2017. Nakatulong din, aniya, ang martial law sa mabilis na pagtugis sa mga pinuno ng mga komunistang rebelde at sa mapayapang pamamahala ng halalan 2019. “Ang martial law ay nakatulong na maparalisa ang puwersa ng mga komunistang rebelde malapit sa national highway,” wika ni Army’s 4thInfantry Division spokesperson Major Reggie Go. Samanatala, nais ng mga political leaders ng mga probinsiya ng Lanao del Sur at Lanao del Norte at ng mga siyudad ng Cotabato at Marawi na magpatuloy ang martial law upang masiguro ang seguridad ng kanilang mga lugar.
Sa kabila ng mga positibong pangyayari, kabilang na ang pagdami ng mga namumuhunan at pag-unlad ng kalakalan, nagdulot ang martial law ng grabeng pinsala sa karapatang pantao ng mamamayan, ayon kay Barry Katangod. Ayon sa human rights coalition, nakapagdokumento ito ng 162 extrajudicial killing; 704 na mga imbentong kaso; 284 na illegal na pag-aresto at pagdetina; 1007 biktima ng pagbobomba; at mahigit na kalahating milyong tao ang napuwersang lisanin ang kanilang tahanan sa buong panahon ng martial law mula 2017. Idinaraing ng grupo ang pagdami ng mga sundalo sa mga komunidad ng lumad, na ang kinatatakutan nila bandang huli, ay palayasin sila rito upang mabigyan ng daan ang mga proyektong gagamit ng kanilang likas-yaman.
Marahil, may mensaheng nais ipaabot ang mga kalamidad na malupit na humagupit sa Mindanao, kay Pangulong Duterte at sa kanyang mga kaalyadong kumatig sa kanyang martial law. Ito iyong mensaheng ipinaabot ni lead singer Paul David Henson o kilala bilang “Bono” ng U2 rock band kay Pangulong Duterte nang sila ay naririto sa bansa para sa kanilang konsiyerto. “Hindi mo puwedeng ikompormiso ang human rights. Ito ang mahinay kong mensahe kay Pangulong Duterte.”
-Ric Valmonte