“Tanggap naman nang buong puso ni Vice (Ganda),” ito ang sagot sa amin ng taong tinanungan namin kung ano ang reaksyon ng Gandang Gabi Vice at It’s Showtime host na nasa ikalawang puwesto na lamang ang pelikula niyang The Mall The Merrier sa unofficial ranking ng isinasagawang Metro Manila Film Festival 2019.

Sa unang araw (Disyembre 25) ng MMFF 2019 ay humataw kaagad sa Number 1 slot ang pelikula ni Vice Ganda. Pumangalawa ang 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon ni Coco Martin, pero kinagabihan ay biglang humabol sa No. 2 ang pelikula ni Aga Muhlach na Miracle in Cell No. 7.
Hawak pa rin ni Vice ang unang puwesto sa ikalawang araw (Disyembre 26), pero kinagabihan ay dumikit na si Aga.
Sa ikatlong araw (Disyembre 27) habang isinasagawa ang 45 MMFF Gabi ng Parangal ay may mga bulung-bulungang No. 1 na ang Miracle in Cell No. 7 kaya kahit na hindi nagwagi si Aga sa pagka-best actor ay ang ganda ng ngiti niya dahil humahataw sa box office ang kanyang pelikula.
Wala pa ring announcement mula sa mga opisyales ng MMFF kung ano na talaga ang nangungunang pelikula dahil may nilagdaan silang NDA (non-disclosure agreement) pero kalat nang nasa unang puwesto na si Aga at ikalawa ang pelikula ni Vice.
Habang nagdidiskusyon ang lahat ng taong nakapanood ng Miracle in Cell No. 7 sa buong Metro Manila ay kasalukuyang nasa Taiwan naman ang Team Vice sa pangunguna nina Vice at boyfriend nitong si Ion Perez at ninanamnam ang kanilang pag-iibigan kasama ang Team Vice.
Masaya ang puso ni Vice lalo’t bukas na sa publiko ang relasyon nila ni Ion na halos isang taon nilang itinago.
Kaya hindi na masakit sa kanya kung hindi na niya nakuha ang unang puwesto ngayong 2019 MMFF.
“You cannot have everything may boyfriend na siya, so wala ng box-office,” kaswal na sabi sa amin ng tinanungan namin.
Totoo talaga ang kasabihan na kapag maganda ang lovelife, nagsa-suffer ang career. Karamihan naman ng taong in love ay puso ang pinaiiral kaysa sa karera.
Anyway, hindi na hawak ni Vice ang all time record dahil nasilat na siya nina Kathryn Bernardo at Alden Richards na Hello Love, Goodbye na Star Cinema rin ang producer.
At ang Christmas record niya ay nasilat naman ni Aga.
Pero naniniwala kaming kailangan pa rin ng comedy films tuwing Metro Manila Film Festivals dahil ito ang hinahanap ng mga bata.
Siguro bagong formula at solid na kuwento at may aral at hindi ‘yung laging sinasabing pampa-good vibes lang dahil sa sobrang mahal ng bayad sa sine ngayon, sana worth it din.
-Reggee Bonoan