SA ika-123 taong pagdiriwang ng araw ni pambansang bayani Jose Rizal, sa kanyang mensahe para sa okasyon, ganito ang sinabi ni Pangulong Duterte: “Sana ang kalayaang tinatamasa natin ngayon bilang mamamayan ay ating mahalin, ibayong palakasin at panatilihing buhay sa pamamagitan ng ating pagkakaisa na ipinakita natin sa paglaban sa ilegal na droga, corruption at kriminalidad. Panatilihin nating buhay ang baga ng nasyonalismo habang magiting nating hinaharap ang hamon ng nagkawalang-bahala at pagkakahati-hati, at magtagumpay laban sa mga ito tulad ng ginawa ni Rizal mahigit 120 taon na ang nakaraan.
Sa kanyang mensahe naman sa bayan, ibinahagi ni Vice-President Leni Robreado ang mga sumusunod na salita ni Rizal: “Ang epektibong panlunas sa ating problema ay gawin ang tama. Hindi natin makakamit ang tunay na kaunlaran sa pamamagitan ng mabilisan at brutal na solusyon, lalo na iyong mga salungat sa batas. Gusto nating ang kaligayahan ng Pilipinas, subalit nais nating makamit ito sa pamamagitan ng makatarungang pamamaraan, dahil ang wasto ay nasa ating panig, kaya hindi dapat tayong gumawa ng kahit anong mali. Kung ako ay buhong na kikilos para gawing maligaya ang bansa, hindi ko ito gagawin dahil nasisiguro ko na anumang itayo sa buhangin, sa malaon at madali, ito ay babagsak.”
Sa aking palagay, bukod sa tama, makatarungan at naaayon sa batas na pamamaraan ng pagresolba ng mga suliranin ng bansa higit na epektibo rin ay ang pagkakaisa, pagibig sa bayan at sa kapwa. Pero, hindi ang uri ng pagkakaisa na binanggit ng Pangulo sa kanyang mensahe. Ito ang uri na itinuring ni Rizal na pamamaraan na anumang bunga nito ay animo’y itinindig mo sa buhangin na hindi magtatagal ay mawawasak din. Halimbawa, sa layunin mong masugpo ang ilegal na droga, inilunsad mo ang brutal na war on drugs sa pagaakala mo ay masusunod mo ang iyong ipinangako na malulutas ang problemang ito sa loob ng 3 o 6 na buwan. Naging panandalian lamang ang naging resulta. Parang hinamon ang kakayahan ng programang magampanan ang kanyang layunin sapagkat habang maraming napapatay sa pagpapairal nito, lalo naman dumarami ang droga. Sa pantalan mismo pumasok ito sa ating bansa.
Ang pinuno mismo ng bansa ang pasimuno para makamit ang pagkakaisa sa pamamagitan ng kanyang ipinatutupad na mga patakaran. Kapani-paniwala ang kanyang katapatan at sa kanya nagmumula ang magandang ehemplo. Kailangan, sa kanyang pagwawagi, makalimutan niya ang lahat ng kanyang pinagdaanan at ang tanging isasaalang-alang ay siya na ang lider at nasa kanyang balikat ang kapakanan ng lahat ng kanyang nasasakupan. Hindi nagtatanim ng galit upang gamitin ang kanyang kapangyarihan para gumanti at maminsala ng kapwa. Isa na siyang ama na ang pangunahing tungkulin at misyon ay mabuo ang isang maunlad at maligayang pamilya.
-Ric Valmonte