Sa pagsisimula ng bagong taong 2020, inaasahan na mas magiging abala ang pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC), gayung ito na ang taong pinakahihintay ng karamihan para sa 2020 Tokyo Olympics.
Naniniwala ang PSC na maisakatuparan ng mga mga atletang sumabak sa katatapos na 30th Southeast Asian Games (SEAG) ang kanilang magandang performance para sa kampanya ng bansa sa nalalapit na Olimpiyada.
Kamakailan ay nagbigay ng pahayag ang PSC sa pamamagitan ni ng national training director nito sa Philippine Sports Institute (PSI), na si Marc Velasco.
“We firmly believed that we will be able to carry over yung efforts and yung energy ng ating mga athletes. We are still very high sa ating success, kaya we believed we might have a big contingent in Tokyo,” ani Velasco.
“An Olympic medal is better than a SEA Games medal. So andun muna yung energy, yung focus ng PSC, to provide for the athletes to be able to qualify for the Olympics,” dagdag pa ni Velasco.
Nakasiguro na ng tiket ang mga atletang sina World gymnastic champion Carlos Yulo at pole vaulter EJ Obiena sa nasabing 2020 Tokyo Olympics.
Habang may mga qualifying games pa na kailangan na makumpleto ang 2016 Rio Olympic silver medal winner na si Hidilyn Diaz, gayundin sina judoka Kiyomi Watanabe, skateboarder Margielyn Didal, world boxing champion Nesthy Petecio, World Boxing Championship silver medalist Eumir Marcial, at ibang pang mga atleta buhat sa athletics, swimming, fencing, golf, at taekwondo.
“The Olympics is just six months away. At yung mga Pilipino, we’re still high on our success. So if we still have more athletes qualifying in the first quarter in the Olympics, tuluy-tuloy lang po ang suporta (ng PSC),” ayon pa kay Velasco.
Handa umano ang PSC na bigyan ng suportang pinansyal ang mga Pinoy athletes na mkakapasok sa Olimpiyada para sa kanilang mga training sa ibang bansa gaya nina Yulo at Obiena na magsasanay sa Japan at Italy ayon sa pagkakasunod.
-Annie Abad