NAGPASYA si Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang konstruksiyon ng Kaliwa Dam sa mga lalawigan ng Rizal at Quezon, isang proyekto na ilang taon nang hindi matuluy-tuloy dahil sa maraming isyung ibinabato dito.
Tinututulan ng Haribon Foundation at ng iba pang environmental groups ang dam dahil sisirain nito ang tirahan ng napakaraming Philippine wildlife, kabilang na ang endangered Philippine Hawk-Eagle, ang Philippine Brown Deer, ang Philippine Warty Pig, ang Northern Rufous Hornbill, at ang Philippine Eagle, na sinasabing dito lamang sa atin makikita. Ang lugar ay idineklarang forest reserve sa Presidential Proclamation 1636 noong 1977 at isang bahagi ng watershed ay idineklarang National Park and Wildlife Sanctuary.
Ang lugar ay ancestral home ng mga Dumagat-Remontado, isa sa mga katutubong tribal groups sa bansa na ang mga sagradong lugar, kabilang ang mga libingan, ay malulubog sa tubig ng reservoir sa oras na maitayo ang dam. Ang kanilang komunidad ng 1,000 kabahayan sa barangay Daraitan sa Tanay, Rizal, at isa pa ng 500 kabahayan sa barangay Pagsangahan, General Nakar, Quezon, ay malulubog.
Nariyan din ang pagtutol ng Commission on Audit (COA) sa $219-milyong kontrata sa China Energy Engineering Corp. (CEEC) Limited. Nag-akusa ang COA na nilabag ng paggawad dito ng kontrata ang legal bidding process ng bansa, kabilang na ang criteria for competitiveness.
Sa pag-aanunsiyo sa kanyang desisyon na ituloy ang Kaliwa Dam project, sinabi ni Pangulong Duterte na lumalabas na ito ang “last resort to have water for Manila.” Sinabi niya na babayaran at ililipat ng gobyerno ang mga katutubong mamamayan na maaapektuhan ng dam project. Tungkol naman sa mga isyu sa kapaligiran, sinabi niya na ang sino mang namamahala ay dapat na maglatag ng proper safeguards.
Ang mga isyung itinaas ng COA sa kontratang iginawad sa China Energy Engineering Corp. ay maaaring itama. Nais lamang ng COA na istriktong masunod ang mga probisyon ng batas sa competitive bidding.
Itinitira nito ang isyu ng pagkasira ng natural habitat ng napakaraming Philippine species of wildlife. Kailangan natin ng kasiguraduhan na ang mga nanganganib na species ay hindi mauubos bilang kabayaran sa pagtatayo ng dam.
Ang Kaliwa Dam ay magiging malaking bahagi ng pagsisikap na magkaloob ng sapat na suplay ng tubig sa lumolobong populasyon sa Metro Manila. Ngunit kahit na magsimula tayo ngayon, makukumpleto lamang ito sa 2023.
Kailangan ang mas marami pang mapagkukunan ng tubig at mayroon nang mga plano para sa muling paggamit ng lumang Wawa Dam, paghigop ng tubig mula sa Laguna de Bay, at paggawa ng mga bagong balon. Maaaring kakailanganin na rin nating gawin ang proseso ng desalinating seawater, isang proseso na ginagawa na sa Israel para sa mga disyertong lugar nito.