MAS maraming kabataan na naliligaw ng landas ang maililigtas at matuturuan ng tamang edukasyon sa mas pinalawak at pinaunlad na Boys Town sa Marikina City.

Nagkasundo at nakiisa sa panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno ang Rotary Club of Manila Bay, sa pamumuno ni Andrew Rovie Buencamino, upang ayusin at paunlarin ang programa ng institusyon. Si Buencamino ay executive director din ng Philippine Racing Commission.
Pag-aari ng Lungsod ng Maynila ang ‘Boys Town’,at nakatakda itong maisaayos matapos ang nilagdaang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Rotary Club of Manila Bay ar City of Manila.
“We are grateful that private sector organizations heeded to our call for help,” pahayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno" Domagoso matapos lagdaan ang MOA kasama ni Rotary Club of Manila Bay president Buencamino.
Ang Boys Town ay isang non-profit orphanage para sa mga kabataang inabandona, palaboy, mga walang tahanan, gayundin ang mga matatandaang pinabayaan ng kanilang mga pamilya.
Sa ilalim ng kasunduan, magkakaloob ang City of Manila ng 4,000-square meter property sa Narra Blvd. para mapagtayuan ng limang housing units. Ayon kay Buencamino, ang Rotary Club of Manila Bay ang magpopondo sa halagang P12.5 milyon.
“We proposed a project to the City of Manila through our good Mayor for the improvement of Luwalhati na Maynila,” pahayag ng Philracom official.
Sa kasalukuyan, may kabuuang 320 senior citizen ang inaalagan ng Manila sa Boys Town. May kapaidad lamang na 200 ang institusyon na itinatag noong 1950.