SISIMULAN natin ang bagong taon sa Pilipinas ng may malaking pag-asa kasama ng 96 porsiyento ng mga tao, base sa fourth-quarter opinion survey ng Social Weather Stations noong Disyembre 13-16.
Ang mataas na talang ito sa isang year-end survey ay una nang nakamit noong 2019 sa pagtatapos ng unang taon ng bagong administrasyong Duterte. Bumaba ito sa 92% noong 2018, ang taon ng inflation—nang sumirit ito sa 6.7% noong Setyembre. Ngayon, balik ang pag-asa ng mga tao base sa naitalang 96% sa nationwide survey, isang patunay sa pananaw ng mga tao sa buhay sa Pilipinas, sa kasalukuyan.
Maraming bagay ang nangyayari sa mundo na dahilan kung bakit masaya ang mga Pilipino na mamuhay sa bansang ito. Mababasa natin ang walang katapusang demonstrasyon at gulo sa maraming bansa dahil sa iba’t ibang isyu. Sa Lebanon, Iraq, Iran at Algeria, nagtitipon ang mga tao sa lansangan upang magprotesta laban sa pamahalaan sa isyu ng kurapsyon, kawalan ng trabaho, kahirapan, kulang na serbisyong publiko.
Sa Chile, nakikita ng mga estudyante ang krisis sa kalusugan at edukasyon. Sa Ecuador, ipinoprotesta ng mga tao ang paglaban sa “austerity measures,” sa pangunguna ng planong bawasan ang subsidiya sa langis. Sa Bolivia, sumiklab na rin ang demonstrasyon laban sa umano’y dayaan sa halalan.
Sa Spain, tuloy ang rally ng mga Catalans laban sa pamahalaan doon, na naghahangad na humiwalay sa bansa. Sa France, nagpapatuloy ang yellow vest movement ng libu-libong mga mamamayan na nakararamdam na napag-iiwanan na sila.
Sa Hong Kong, sumiklab ang demonstrasyon sa lansangan dulot ng mungkahing extradition law at nagpapatuloy bilang isang pro-democracy movement.
Iba-iba ang dahilan ng kanilang ipinaglalaban. Ilan ang patungkol sa isyu ng ekonomiya, habang ang iba ay politikal. Ngunit lahat ng demonstrasyon, ayon sa isang tagamasid, ay may isensiya ng kawalan ng kontrol ng mga mamamayan sa kanilang pamahalaan o sa kanilang mga opisyal.
Magugunita nating tayo rin ay pinukaw ng katotohanang ito, nang magtipon ang milyon-milyong mga tao sa EDSA noong 1986 bilang suporta sa noo’y Defense Secretary Fidel Ramos at Executive Secretary Juan Ponce Enrile. Makalipas ng ilang araw na demonstrasyon, sumuko si dating Pangulong Marcos sa isang biyudang maybahay na walang takot na lumaban sa kanya sa isang special election—si Cory Aquino.
Marahil ang katulad na pakiramdam na ito ang nagtutulak sa mga mamamayan ng maraming bansa upang lumabas ng lansangan at magprotesta.
Nararamdaman din natin ang mga problema ito ng mga bansang—ang kahirapan ng napakaraming tao, marami ang nananatiling walang disenteng trabaho, ang kurapsyon sa ilang ahensiya ng pamahalaan, kakulangan sa serbisyo ng pamahalaan. Ngunit hindi pa lumalabas ang mga tao upang magprotesta tulad ng sa ibang mga bansa. Patuloy silang nagbibigay ng tiwala sa pamahalaan sa pamumuno ni Pangulong Duterte, na sa kabila ng mga banta sa aksiyon na maaaring kumuwestiyon sa usaping legal, ay nagagawang makamit ang resulta.
Kaya naman sa kasalukuyan, 96% ng mga Pilipino ang sasalubong sa bagong taon ng may malaking pag-asa. Marami pa ang dapat isakatuparan, ngunit sa malakas na suporta ng mga mamamayan, sa malaking pag-asa, malalampasan ng ating bansa ang anumang pagsubok na haharapin natin.