BUKAS ay taong 2020 na. Dahil dito, nais kong batiin ang lahat ng Masagana, Payapa at Malusog na Bagong Taon. Hindi ko ginamit ang salitang Manigo na laging kasama ng Bagong Taon dahil hindi ko alam ang tunay na kahulugan nito at kung ano ang origin.
Kung baga sa mata, ang 2020 ay kasingkahulugan ng 20-20 vision o malinaw na paningin, magaling na pagtanaw at mahusay na pananaw. Sana ay maging malinaw at mahusay ang takbo ng ating buhay ngayong 2020 at maging 20-20 ang vision natin sa mga bagay-bagay at hindi maging negatibo.
Isang magandang balita para sa ating lahat, lalo na sa taga-Metro Manila, dahil sa pag-angat ng level o antas ng tubig sa Angat Dam nang isang metro. Dahil sa tatlong araw na pag-ulan na dulot ng bagyong Ursula, sinabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management (PDRRM) office ng Bulacan, na ang water elevation ng dam noong Martes ng umaga ay 198.71 metro.
Bagamat nakabuti sa antas ng tubig ang bagyong Ursula, nakalulungkot namang malaman na ito ay naminsala sa maraming probinsiya, bayan at barangay sa Eastern at Western Visayas. May 24 ang namatay at 12 ang nawawala samantalang libu-libo ang na-stranded sa mga pantalan kung kaya doon na lang sila nagdiwang ng Pasko.
oOo
Matuloy pa kaya ang usapang-pangkapayapaan na nais ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ngayong may mga insidente ng pagtambang na kagagawan umano ng New People’s Army (NPA) habang pinaiiral ang tigil-putukan o truce sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebelde?
Bukod dito, gusto ni PRRD na bumalik sa Pilipinas si Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), at dito sila mag-usap hinggil sa kapayapaan sapagkat ang sangkot dito ay ang Pilipinas at hindi ang ibang bansa.
Iginigiit naman ni Joma Sison na handa siyang makipag-usap kay PRRD sa kondisyong sa ibang bansa na malapit sa Pilipinas gawin ang usapan. Nais din niyang mamagitan ang Norwegian government sa peace negotiations. Marahil ay duda siya na baka paglapag sa paliparan, siya ay dakpin.
Kung ganito ang paninindigan ng dalawa, parang mahirap mangyari ang inaasam na usapan tungo sa kapayapaan. May garantiya si Mano Digong kay Joma na hindi siya aarestuhin kapag umuwi sa Pilipinas para sa kanilang one-on-one talk. Hindi natin alam kung makukumbinsi ng Pangulo si Joma na pumunta sa Pilipinas at dito makipag-usap.
Sa pagdiriwang ng Bagong Taon 2020, sana ay maging zero casualties at walang namatay, naputulan ng daliri, kamay at iba pang pinsala sa katawan. Sana ay iwasan ng ating mga kababayan ang pagpapaputok sapagkat maaari naman nating ipagdiwang at salubungin ang Bagong Taon nang walang paputok. Muli, Masagana, Payapa at Malusog na Bagong Taon!
-Bert de Guzman