MAGTATAPOS ang taon habang nasa unang yugto na ang United States at China para sa economic at trade agreement na nagpalit sa malalam na mundo ng kalakalan ng isang positibong pananaw. Hindi pa natatapos ang problema sa ugnayang pangkalakalan ng US-China. Tanging unang bahagi pa lamang ng kasunduan ang inanunsiyo nitong Disyembre 13 na ngayo’y kailangang maisulong sa mga susunod na buwan bago nating masabi na nagwakas na ang 20-buwan na trade war.
Bahagi ng unang hakbang sa kasunduan ang pagsususpinde ng mga bagong taripa, kabilang ang mga nakatakda na sanang magsimula nitong Disyembre 15. Sumang-ayon ang China na taasan ang pagkonsumo nito ng produktong US at tugunan ang pangamba ng US hinggil sa intellectual property protection, currency manipulation at agrikultura.
Sinabi ng Xinhua, ang state news agency ng China na bahagi ng sulat sa kasunduan ang siyam na kabanata—ang preface, intellectual property rights, food at agricultural products, financial services, exchange rate at transparency, trade expansion, bilateral assessment and dispute settlement, at ang final terms.
Bilang kapalit, sinabi ng Office of the US Trade Representative na ang unang bahagi ng kasunduan ay nananawagan para sa “structural reforms and other changes in China’s economic and trade regime in the areas of intellectual property, technology transfer, agriculture, financial services, and currency and foreign exchange.”
Nag-usap sa telepeno sina US President Donal Trump at China President Xi Jinping hinggil sa susunod na hakbang matapos ang unang bahagi ng kasunduan.
Kalaunan, sinabi ni President Xi na maaasahan na ang ilang ‘di pagkakasundo sa mga nakatakdang pulong, ngunit hangga’t nirerespeto ng dalawang bansa ang kanilang pambansang dignidad, soberanya, at pangunahing interes, malulutas ang anumang suliranin dito.
Napaulat naman na mas optimistiko ang pananaw ni Pangulong Trump. Inanunsiyo nito sa Twitter na: “We will begin negotiations on the Phase-Two Deal immediately, rather than waiting after the 2020 election. This is an amazing deal for all. Thank you!”
Sa positibong hakbang na ito, magsisimula ang bagong taon para sa dalawang pinakamalaking ekonomiya sa mundo. Sa nakalipas na 20 buwan, ang kanilang trade war, na kinapalooban ng palitan ng pagpapataw ng taripa, banta at pagpapahayag ng kawalang-tiyakan, ay nagpababa hindi lamang sa dalawang ekonomiya ngunit damay rin ang iba pang bahagi ng mundo, sa mabagal na pag-usad ng ekonomiya na nagsisimula nang makaapekto sa maliliit na bansa tulad natin.
Hindi pa tapos ang problema ngunit nasimulan na ang magandang hakbang para sa paglutas nito.