“INAAMIN namin na nakagawa kami ng pagkakamali sa pagmamanipula ng larawan na ang tanging layunin ay masiguro ang kaligtasan ng mga sumukong rebelde at ang kanilang pamilya,” wika ni Philippine Army Maj. Ricky Aguilar, hepe ng 91D public affairs sa isang pahayag.
Ang larawan na tinutukoy ni Aguilar ay iyong nakakabit sa press release ng kanyang opisina na nagpapakita ng mga dating rebeldeng NPA na sumuko sa seremonya na naganap sa Masbate nitong nakaraang Huwebes. Ang pangyayaring ito ay ginawa kasabay ng mga indignation rally na itinaguyod ng gobyerno laban sa mga komunistang rebelde sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Itinaon ito sa ika-51 anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines. Kaya lang nga, napuna ng mga netizen na ang larawan ay manipulated o photoshoped na idinagdag ang imahe ng mga taong nakapila sa harap ng lamesang puno ng mga nakahilerang armas. Walang nagawa ang naglabas ng press release na kasama ang larawan kundi ang humingi ng paumanhin dahil hindi nilubayan ito ng batikos ng mga netizen sa social media.
Maliwanag na ang ginawang ito ng militar ay bahagi ng kanilang paraan sa pakikidigma sa CPP-NPA-NDFP. Sa tinatawag na psywar, lahat ng paraan, kabilang ang panloloko at pagsisinungaling ay gagawin ng isang panig upang siraan ang kabila. Ang puno’t dulo kasi ng labanan ay ang pagkuha ng suporta ng mamamayan na kung kanino sila papanig at maniniwala ay siyang magdidikta ng kahihitnan ng labanan. Kaya, iyong ginawa ng public affairs, ng Philippine Army 91D ay normal lang sa pangkaraniwang kaganapan. Pero, hindi sa panahong ngayon. Ang nangingibabaw na kahilingan at panalangin ng taumbayan ay kahit sa maigsing panahon ay magkaroon ng katahimikan at kapayapaan sa ating bansa, na siyang espiritu ng Kapaskuhan. Walang armas na puputok at walang masasawi. Kaya nga, sa utos ni Pangulong Digong ay ipinagpatuloy ang negosasyon para sa naudlot na usapang pang kapayapaan sa mga komunistang rebelde. Sa layuning ipakita ang sinseridad ng magkabilang panig, nagdeklara ang mga ito ng tigil-putukan. Dapat igalang ng isa’t isa, ang mga nasa gobyerno at kasapi ng CPP-NPA-NDFP, ang pinakaisahan nila. Palakasin at pangibabawin ito.
Hindi naayon sa layunin at espiritu ng napagkaisahang kasunduan ang ginawa ng militar at pulis na magrally sa iba’t ibang bahagi ng bansa at binabatikos ang CPP-NPA-NDFP. Sa harap ng University of the Philippines, nagrally ang mga ito na umaalingawngaw ang dala nilang sound system at kinokondena ang founding head ng CPP na si Sison. Para bang dito sa paaralang ito ng gobyerno namumugad at nagmumula ang mga komunista. Itinaon pa sa mga rally ang paglabas ng press release at larawan ng mga pekeng komunistang rebelde na sumuko sa pamahalaan. Ginagatungan lamang ng mga ganitong gawain ang gulo at pagkahati-hati ng mamamayang Pilipino sa halip na patatagin ang kumpiyansa ng isa’t isa na magkakabunga ang napagkasunduan. Mabura sana sa isip ng mga nasa gobyerno na tumatangan ng armas na hindi magagapi ang anumang rebeldeng grupo habang may nagugutom, naaapi at biktima ng karahasan at kawalan ng katarungan.
Manigong Bagong taon sa inyong lahat!
-Ric Valmonte