DALAWANG Pinoy – sina Asian Para Games gold medalist swimmer Ernie Gawilan at dating Ateneo de Manila University volleyball player Gretchen Ho – ang napili ng Tokyo Olympics Organizing Committee para mapasama sa 1,000 volunteer na lalahok sa torch run tungo sa 2020 Olympic Games at Paralympic Games sa Tokyo, Japan.
Ipinadala ng Olympic organizers ang confirmation letter sa dalawa nitong weekend.
“Malaking karangalan ito sa akin at sa Philippine Paralympic Committee. I will do my best. Sipag at tiyaga lang,”pahayag ni Gawilan.
Personal namang kinompirma ni Ho ang pagkakapili sa kanya sa ipinost na mensahe sa kanyang social media.
Sa kabilang banda, nilinaw ni Ho na nagsumite ito ng aplikasyon at masuwerteng napili ng mga organizers.
“Great news to end 2019. Guess who’s going to be a torchbearer at the @Tokyo2020 Olympics??? This every athlete’s dream. I just can’t wait for the new year to begin,” pahayag ni Ho.
Naglabas din ng bagong statement si Ho magkaiba ang kanyang tungkulin bilang torchbearer at sa opisyal na flagbearer ng pambansang delegasyon sa Tokyo Olympics.
Magsisimula ang torch relay sa Marso kung saan lilibot ito sa iba’t ibang bahagi ng Japan. Ang torch relay ay regular na idinadaos at bahagi ng promosyon para sa Olympic Games.
Gaganapin ang regular Olympics na 2020 Tokyo Olympic Games sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9 habang ang 2020 Paralympic Games ay lalarga mula Agosto 25 hanggang Setyembre 6.