MALIBAN sa limang mga manlalarong kabilang sa isinagawang espesyal na Gilas Draft, dalawa pang manlalaro ang idinagdag ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa Gilas Pilipinas’ pool para sa 2020 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ayon sa ilang mapagkakatiwalaang mga sources, ang dalawang manlalaro na isinama sa Gilas pool ay sina UAAP 3-time Finals MVP na si Thirdy Ravena at University of the Philippines standout Jaydee Tungcab.
Ang dalawang manlalaro ay makakasama nina PBA incoming rookies Isaac Go, Rey Suerte, Allyn Bulanadi at ang kambal na sina Matt at Mike Nieto.
Sina Ravena at Tungcab ay pinili umano mismo ni Gilas Men’s program director Tab Baldwin ayon sa mga sources.
Kapag nagkataon, ito ang magiging ikalawang beses na maglalaro ang 6-foot-3 na si Ravena para sa Gilas.
Unang naglaro ang 23-anyos na si Ravena sa Gilas Pilipinas noong nakaraang Pebrero sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Ngunit di gaya nina Go, sina Ravena at Tungcab ay hindi lumahok sa nakaraang PBA Annual Rookie Draft.
Isa namang sorpresang maituturing ang pagkakapili kay Tungcab para makasama sa Gilas pool.
Ang kanyang katangian bilang isang magaling na two-way player anh naging dahilan upang mapili ang 6-foot-3 at 22-anyos na si Tungcab.
Lahat ng pitong manlalaro ay sasabak sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers na magsisimula sa Pebrero.
Uumisahan ng Gilas Pilipinas na kabilang sa Group A kasama ng Thailand, Indonesia, at South Korea sa Pebrero 20 kontra Thailand.
-Marivic Awitan