KASALUKUYANG nasa Dubai ang pamilya Atayde dahil doon sila nag-celebrate ng kanilang Pasko at doon din nila sasalubungin ang Bagong Taon dahil sa Enero 3 pa sila babalik ng Pilipinas diretso sa kani-kanilang tapings sina Sylvia Sanchez at ang magkapatid na Ria at Arjo Atayde.

SYLVIA

Kung hindi kami nagkakamali ay ikalawang beses na nilang pamilya na sa Dubai mag-Pasko dahil nagustuhan nila ang lugar.

Ang saya-saya ni Sylvia nitong Pasko dahil bukod sa kasama ang buong pamilya ay nominado ang pelikula niyang Jesusa na idirek ni Ronald Carballo sa North Europe International Film Festival.

Kuya Kim, birthday wish na maipagpatuloy alaala ni Emman

Base sa post ng producer na si Ferdy Lapuz ay nominadong direktor si Ronald, Best Foreign Language Film ang Jesusa, Best supporting actress naman si Mara Lopez, at Best actress si Sylvia.

Post ng aktres, “Wowwww. Ang merry talaga ng christmas ko. Salamat Panginoong JESUS, ang ganda ng pasko at ng gising ko. Congratulations sa ating lahat team Jesusa, lalong-lalo na sa aming producers ate jane @iamlokal and junelle. North Europe International FilmFest. Thank you for the nominations # blessing #actorslife # happyandcontent#happy afternoon.”

Kamakailan lang ay napag-usapan namin ni Allen Dizon na kasama rin sa Jesusa kung anong nangyari na sa pelikula at kung inilaban ba ito sa international film festival dahil pagkatapos itong ipalabas ay nawalan na ng ingay.

Sabi ni Allen ay hindi raw yata naasikaso ng producer ng pelikula dahil sa Amerika sila naka-base at nanghihinayang nga siya dahil ang ganda ng pelikula at magagaling ang mga artistang kasama niya lalo na si Sylvia.

Pero heto at napasama pala sa North Europe International Film Festival na gaganapin sa 2020.

-Reggee Bonoan