NGAYON ang anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal, ang itinuturing na Pambansang Bayani ng Pilipinas, may 123 taon ang nakaraan matapos siyang hatulan ng kamatayan at barilin sa Bagumbayan noong 1896, ngayon ay Luneta.
Si Rizal ang nagsabing “Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan.” Maganda ang pagpapahalaga ng pambansang bayani sa kabataang Pilipino. Para sa kanya, sa pagyao niya, itutuloy ng mga kabataan ang paninindigan at layunin niyang maging isang malaya, malusog at maunlad ang Pilipinas na noon ay nasa ilalim ng mga Kastila o Espanya.
Sa ngayon, kung magmumuni-muni tayo at magsusuri, talaga bang nasa kabataan ang pag-asa ng bayan? Tingnan natin ang mga kabataang lalaki at babae ngayon: Maraming tattoo sa katawan. May hikaw pati ang kalalakihan (sa tenga at labi) samantalang ang mga babae ay naka-short, short na maong na halos nakabakat ang langit-langitan sa pagitan ng mapipintong na hita.
Hindi lamang ito, marami sa kabataang Pinoy at Pinay ngayon ang gumagamit ng shabu at iba pang iligal na droga. Dahil dito, malimit bantaan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang mga drug lord, pushers at users na “Do not destroy the youth, I will kill you.” Sana ay ituloy ni Mano Digong ang pagtutumba sa drug lords, traffickers, smugglers, supplier ng shabu na nakalulusot sa Bureau of Customs at ginagawang kalakal sa New Bilibid Prisons.
Hindi dapat na pagtuunan niya ng pansin at atasan ang mga pulis na barilin at patayin (kapag nanlaban) ay ang ordinaryong pushers at users. Napakasimple ng lohika: “Kung walang suplay ng shabu mula sa mga Panginoon ng Droga, walang maitutulak ang pushers at walang magagamit ang users.”
Alam ba ninyong 10 Pinoy World War II veterans ang binigyan ng US Congressional Gold Medal (CGM) bilang pagkilala sa katapangan at sakripisyo ng Filipino soldiers. Gayunman, wala kahit isa ang nakasipot para tanggapin ang award.
Ang PH consulate general sa New York na nakikipag-ugnayan sa Filipino Veterans Recognition and Education Project (FILVETREP), ang nagprisinta ng mga medalya sa seremonya na ginanap sa Kalayaan Hall ng Philippine Cennter sa New York.
Para kay Sen. Leila de Lima, isang “wonderful blessing” nitong Pasko ang kanyang tinanggap sa pagpapatibay ng US 2020 Appropriations Bill, na nagbabawal na makapasok sa US ang mga pinuno ng gobyerno na responsable sa umano’y “wrongful detention” sa kanya.
Ayon kay Sen. Leila, ang pagbabawal na makapasok sa Estados Unidos ang mga opisyal na nasa likod ng kanyang pagkakakulong ay solidong pagkilala na siya ay biktima ng political persecution.
Maganda ang mensahe ni Pope Francis sa may 1.3 bilyong Katoliko sa buong mundo nitong Pasko: “Patuloy na minamahal tayo ng Diyos, kahit ang pinakamasama sa atin.” Ganito ang mensahe ng unconditional love ni Lolo Kiko: “You may have mistaken ideas, you may made a complete mess of things, but the Lord continues to love you.”
Samakatwid, kung mahal tayo ng Diyos, dapat ding magmahalan tayong lahat. Masagana, Payapa at Malusog na Bagong 2020!
-Bert de Guzman