“HINAHAMON ng Pangulo na bumalik sa Pilipinas at mag-usap lang silang dalawa, kahit walang government at communist panel. Walang paiiraling warrant. Basta bumalik lang siya sa Pilipinas at makipag-usap siya sa kanya. Walang binabanggit na kondisyon ang Pangulo. Mag-usap lang sila. Isa lang sa dalawang bagay: tanggapin niya ito o tanggihan,” wika ni Preidential Spokesperson Salvador Panelo sa hamon ni Pangulong Duterte kay Joma Sison na bumalik sa Pilipinas at mag-usap sila lang dalawa sa Huwebes na siyang ika-51 anibersaryo ng pagkatatag ng Communist Party of the Philippines.
Tinanggihan ito ni Sison. “Ilalagay ko sa panganib ang inaasahang peace negotiation kung ilalantad ko ang aking sarili sa anumang pag-atake ng mga opisyal ng militar at pulis na nag-aakala na matatapos nila ang revolutionary movement sa pamamagitan lang ng pagkawala ng isang tao tulad ko,” wika ni Sison sa online interview sa kanya mula Ultrecht, Netherland noon Huwebes ng hapon. Hindi rin, aniya, nararapat ang Skyping para talakaying ang mga seryoso at napakahalagang bagay.
Hindi ang gaya ni Sison ang inyong mapapaglangan. Hindi ito politiko na simple mag-isip. Napakalalim ng kanyang pinaghuhugutan bunsod ng mahaba niyang karanasan sa pakikipaglaban para sa prinsipyong kailanman ay hindi niya tinalikuran. Maaaring iba ito sa atin, pero ang kainaman ay pinanindigan niya ito dahil sa akala niya ay ito ang nararapat na makalulunas sa karukhaan ng mamamayan at magpapaunlad ng bansa. Alam niya na sa ating bansa ay may “invincible government” na higit na malakas sa mga pinuno ng bansang iniluklok ng mamamayan sa pamamagitan ng huwad na halalan. Ang bumubuo nito ay ayaw pag-isahin ang mamamayang Pilipino. Kahit anong pangako ni Pangulong Digong na poproteksyunan niya si Sison kapag bumalik ng bansa, mayroong grupo na hindi niya kontrolado na ito ang tatapos sa CCP founding chairman. Alam ito ni Pangulong Duterte kaya siya nag-aalangan. Ayan na nga at nagrally ang mga sundalo at militar laban kina Sison at CPP-NPA-NDFP nitong araw ng anibersaryo ng pagkatatag ng CPP sa kabila ng deklarasyon ng Pangulo na buhayin ang negosasyon para sa kapayapaan sa grupong ito at pairalin ang tigil-putukan.
Hindi rin klase ni Sison ang makukumbinse mong makausap ng sarilinan. Sa panahon ng diktadurang Marcos, kasama akong ipinaglaban ang kapakanan ng manggagawa upang maging malakas silang grupo sa paggiba sa moog ng diktadura. Abogado ako ng halos lahat ng mga manggagawang nagwelga sa Valenzuela. Kailanman, hindi ako pumayag na mag-isang nakipag-usap sa mga kompanya para maayos ang kanilang sigalot sa mga manggagawa. Lagi kong iginigiit na ang negosasyon ay maganap kasama ang mga opisyal ng union. Kasi, pagdududahan ka na ng mga manggagawa na ibenenta mo ang kanilang laban. Eh interes pa lang ito ng maliit na grupo E, lalo na kung ang isyu ay interes ng sambayanan at ilang dekada nang pakikipaglaban na marami nang buhay ang nabuwis. Hindi maganda na ang nagpundar ng grupo na lumaban at mabagsik pang lumalaban ay makikipagusap magisa sa nilalabanan. Tama si Sison nang tanggihan niya ang hamon ni Duterte na one-on-one silang magusap ng Pangulo kahit sa anong paraan kabilang ang Skype. Hindi lang dahil ang pag-uusapan ay seryoso at napakahalagang bagay, kundi dahil baka makompormiso ang rebolusyon
-Ric Valmonte