AKALA namin ngayong maraming nakuhang awards ang pelikulang Mindanao at Write About Love ay madadagdagan na ang mga sinehang pinaglalabasan nito, mali kami dahil sa SM North at Trinoma ay parehong wala ang dalawang pelikula nitong Sabado kaya kinailangan pa naming pumunta ng Gateway para mapanood ang pelikula nina Judy Ann Santos at Allen Dizon.

Sa totoo lang, halos mapuno ang Gateway Cinema 6 sa ganap na 10:10PM. Sa wakas nagustuhan namin ang Mindanao na idinirihe ni Brillante Mendoza dahil ‘yung iba ay pawang madidilim.
Deserving ang pelikulang Mindanao na iuwi ang sampung tropeong napanalunan nila sa nakaraang 45th Metro Manila Film Festival at kung bakit, dapat panoorin ng mga hindi pa nakapanood bago nila husgahan.
Totoong masyadong na-hype ng media ang pelikulang Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach dahil siyempre nagpa-advance screening ang Viva Films at halos lahat ng entertainment media, bloggers at online writers at ay pinuri ang pelikula dahil halos lahat ng nagsiganap ay mahuhusay.
Going back to Mindanao movie maraming kumuwestiyon kung bakit hindi si Xia Vigor ang nanalo bilang Best Child Performer at tinalo siya ni Yuna Tangog na gumanap na anak nina Judy Ann at Allen na may cancer.
Mahirap ang karakter ni Yuna na simula palang ay nakatakip na ang kanang mata na nilagyan ng prosthetics dahil sa malaking tumor nito, sa buong pelikula ay nakabalot siya pati ulo niya at nang tanggalin ang balot ay mabibilang na lang ang buhok nito. Sobra kaming naawa sa bata na gustung-gusto niyang maglaro sa kapwa batang may sakit ding cancer pero hindi niya masyadong magawa dahil anumang oras ay nagse-seizure siya at inuuntog ang ulo.
At ang malaking katanungan ng lahat, bakit si Allen ang nanalo at hindi si Aga?
Ilang beses na kaming nakapanood ng pelikula ni Allen at bluntly naming sasabihin na tila pare-pareho ang acting niya, laging may kaaway, sumisigaw, may ibang babae bukod sa asawa o involved sa droga.
Sundalo ang karakter ni Allen sa Mindanao na laging nasa operasyon/giyera at isang medic. Kapag nababaril o napuputulan ng paa o kamay ang kasamahang sundalo ay binibigyan niya ng first aid bago dalhin sa hospital.
Napaka-ironic nga ng karakter ni Allen bilang medic pero ang sariling anak na nakikipaglaban sa sakit nito ay hindi niya magawang alagaan dahil sa kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan. At hanggang sa namatay ay hindi niya naabutan ang libing dahil iyon din ang oras na tinamaan siya ng bala.
Bakit siya tinamaan ng bala dahil nawala siya sa konsentrasyon dahil iniisip nga ang anak na sabi ng asawa ay maikli na lang ang panahong ilalagi nito at nakadagdag pa na namatay ang kaibigan niyang si Ketchup Eusebio.
Walang masyadong dayalogo si Allen na puro emosyon ang ginamit na bago ito kung ikukumpara ibang pelikula niya.
Nu’ng makapanayam namin ng solo si Allen ay diretso naming tinanong kung naong bago sa kanya sa Mindanao, sabi lang niya, first time niyang gumanap na sundalo sa 70 films na nagawa niya at medic siya, ganu’n lang. wala na siya ibang ikinuwento, sabi lang, “try nyo panoorin ang pelikula.”
Tinanong din namin si Allen kung ano ang mas gusto niya, award o box office, “kung puwedeng pareho sana, pero kung ako lang, mas gusto ko ang award.”
Natanong naman ang aktor ng katoto kung paano kung magtabla sila ni Aga sa pagka-best actor, “puwedeng akin na lang ang award, kanya na ang box office?”
Sa madaling salita, mas pinipili ni Allen ang award kaysa kumita ang pelikula at pang 35th trophy na niya ang natanggap niya sa 45th Gabi ng Parangal ng MMFF.
Pagdating sa best actress ay ni isa ay walang kumuwestiyon kay Juday kahit pa hindi pa siya nanalo sa 41st Cairo International Film Festival dahil alam na ng lahat ang kapasidad niya bilang aktres.
Halos lahat din ng pelikula ni Juday ay napanood namin at iba ang Mindanao, ang laki ng hirap niya rito, as usual napaka-effortless umarte ng aktres. Well-deserved ang Best Actress award.
Anyway, habang tinitipa namin ang balitang ito ay naghahanap naman kami ng sinehan kung saan palabas ang Write About Love na nakakataka dahil maski sa Greenhills o Promenade ay hindi ito palabas considering na ang producer ng pelikula nina Joem Bascon, Miles Ocampo, Rocco Nacino at Yeng Constantino ay TBA Studios at isa sa kanila ay si Fernando Ortigas na isa rin sa may-ari ng Greenhills Mall.
-REGGEE BONOAN