POSITIBO ang karamihan ng mga Pilipino na magkakaroon sila ng mas maayos na pamumuhay sa 2020, base sa pinakabagong survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS).

Sa isinagawang pag-aaral mula Disyembre 13-16, lumalabas na 96 porsiyento ng mga Pinoy ang nanatiling may “hope” kumpara sa “fear” sa pagharap nila sa panibagong taon.

Mas mataas ang bilang na ito ng apat na porsiyento kumpara sa 92% na naitala noong 2018 habang pantay sa record-high level na nakamit noong 2017.

Tanging 4% lamang ang sasalubong sa bagong taon ng may ‘takot,’ mas mababa ng 4% mula sa 8% na naitala noong 2018 at katumbas na naitala noong 2017 at 2011.

Malaking bahagi ng 4% pagtaas sa kabuuang New Year’s “hope” ay dahil sa pagtaas ng tala sa Balance Luzon (99% mula sa 96%), Visayas (97% mula sa 79%), at Metro Manila (96% mula sa 94%) at 90% sa Mindanao.

Gayunman, bumagsak naman ng bahagya ang ‘hope’ sa Mindanao mula 94% noong 2018 patungong 90% noong 2019.

“Hope for the New Year has always been high, starting at 87 percent when SWS first asked the question in 2000,” ayon sa SWS.

“It rose to 88 percent in 2001 and 95 percent in 2002 before easing to 90 percent in 2003, 81 percent in 2004, and 85 percent in 2005. It ranged from 91 percent to 92 percent from 2006 to 2008 and went up to 89 percent in 2009. It rose to 93 percent in 2010, and has since then been at 90s levels, reaching as high as 96 percent in 2017 and 2019,”dagdag pa rito.

Sa katulad naman na survey ng Pulse Asia, na isinagawa noong Disyembre 3-8, lumalabas na 93% ng mga Pilipino ang sasalubong sa 2020 ng may “hope,” habang tanging 0.2 lamang ang haharap ng walang pag-asa.

Ilang araw bago ang pagsalubong sa bagong taon, kumpiyansa rin si Pangulong Duterte na patuloy na matatamasa ng mga Pilipino ang “comfortable life” at mararamdaman ang “lasting peace,” ayon sa pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

PNA