ISA sa pinamalaking kaganapan sa larangan ng palakasan sa Pilipinas ang pagkwalipika ng dalawang atletang Pinoy -- pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Edriel Yulo – sa 2020 Tokyo Olympics.
Sinorpresa ni EJ Obiena ang sambayanan nang malampasan ang qualifying standard a 5.80 meters nang kanyang maitala ang 5.81 tungo sa gintong medalya sa isang torneo sa Chiara, Italy nitong Setyembre.
Nauna nang pinagbidahan ng 24-anyos na si Obiena ang 2019 Summer Universiade kung saan nagmarka siya ng national record na 5.76 meters.
Habang ang 19-anyos na si Yulo ang kauna-unahang Filipino gymnast na lalaki na nakapag-uwi ng bronze medal buhat sa World Artistic Gymnastics Championship sa floor exercise noong 2018 bago sinelyuhan ang tiket para sa Olimpiyada nang makamit ang gintong medalya sa parehong event ng naturang torneo nitong Oktubre.
Wala pang Pinoy ang nakapagwawagi ng gintong medalya sa Olympics at kung papalarin ilan pang Pinoy – boxers Nesty petecio at Eumir Marcial, skateboarder Margilyn Didal, at Rio Olympics silver medalist weightlifter Hidilyn Diaz – ang naghahanda para makasikwat ng sapat na qualifying points tungo sa Tokyo Games.
Sa kasalukuyan, tangan ng Pilipinas ang 3 silver medals at 7 bronze medals sa Olympics mula nang simulan ang prestihiyosong torneo noong 1924.
Huling nakasikwat silver ang Pilipinas sa pamamagitan ni Diaz may apat na tatlong taon na ang nakalilipas.
Buhos Naman ang suportang ibinigay ng gobyerno para sa mga Olympic-bound athletes na sina Obiena at Yulo sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC).
-Annie Abad