NITONG nakaraang Martes, sa malaking halaga na P1.15 bawat litro, inanunsiyo ng Pilipinas Shell, Seaoil Philippines, PTT Philippines, Phoenix Petroleum at Total Philippines na itinaas nila ang presyo ng krudo. Pangalawang pagtaas ito sa loob ng dalawang linggo.
Samantala, ang Shell at Seaoil ang nagtaas ng presyo ng kerosene sa halagang P1.05. Ang krudo at kerosene ay ang pinakagamiting produkto ng langis. Karamihan sa ginagamit na ng mga sasakyan, pribado man o pampubliko, ay ang krudo. Kerosene naman ang kadalasang ginagamit na pangluto. Kaya, higit na tinatamaan ang mga dukha at ordinaryong mamamayan sa ginagawang pagtaas ng presyo ng mga produktong ito. Sa pagtaas ng P1.15 bawat litro ng krudo at P1.05 ng kerosene, tataas din ang presyo ng mga batayang pangangailangan, pagkain at serbisyo. Itinaon pa ang pagtaas ng krudo at kerosene sa panahong ito ng Kapaskuhan na tumataas ang presyo ng mga bilihin. Eh ‘di papatong na naman ang presyo ng produktong petrolyo sa mga presyo ng mga bilihin.
Walang pagkakaiba ang mga dambuhalang kompanya ng langis at Manila Water Co. Inc. at Maynilad Water Services Inc. Ang mga ito ay nasa pribadong kamay. Wala silang pakialam kung paano nila naapektuhan ang taumbayan sa kanilang operasyon. Kasi, ang pangunahing layunin nila ay magkamal ng tubo kahit ito ay magdudulot ng kahirapan sa taumbayan, kabilang ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Hindi gaya ng kung ang kanilang serbisyong negosyo ay nasa kamay ng gobyerno na isasaalangalang ang kapakanan ng taumbayan. Nakahanda itong palugi dahil hindi naman ito nagnenegosyo. Serbisyo ang trabaho ng gobyerno na sinusustehan ng buwis ng mamamayan. Kung ayaw tanganan ng gobyerno ang mga serbisyo ng mga kompanyang ito, hindi dapat silang bigyan ng laya na magpresyo ng kanilang produkto.
Ang probelma, may Oil Deregulation Law na nagbibigay ng laya sa mga kompanya ng langis sa pagpepresyo ng kanilang produkto. Ganito rin ang probisyon sa mga kontrata ng gobyerno sa Manila Water at Maynilad na, ayon kay Pangulong Duterte, ay isa sa mga tinatawag niyang “onerous”, na walang karapatang makialam ang gobyerno sa halaga ng kanilang sisingilin sa nakunsumo ng kanilang mga water consumer. Matapos magbanta ang Pangulo na kakanselahin niya ang mga kontrata ng dalawa, itong huli, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na irerenegotiate ang pagbabago ng ikalawang kontrata na nagpapalawig sa taning nito. Bakit hindi ganito ang gawin ni Pangulong Duterte sa Oil Deregulation Law bilang regalo sa taumbayan? Kaya lang kasi, mga dayuhan ang mga nagmamay-ari ng mga kompanya ng langis, samantalang sina Ayala Zobel, ang Manila Water, Pangilinan naman, ang Maynilad, na pawang kalahi ng Pangulo. Matapang lang kasi tayo sa mga kapwa nating Pilipino.
-Ric Valmonte